SA kauna-unahang pagkakataon, nakapag-deploy ang Metro Rail Transit Line 3 or MRT-3 ng dalawang 4-car configuration kasabay ng pagsisimula ng ‘Libreng Sakay’ sa nasabing linya noong Lunes.
Ginawa ang naturang hakbang upang ma-accommodate ang pagdagsa ng mas maraming pasahero sa MRT-3.
Ang four-car train ay may kakayahang magserbisyo sa higit 1,500 na pasahero.
Ayon kay Director Michael Capati, General Manager ng MRT-3, pinaplano nilang i-convert ang lahat ng mga tren sa 4-car configuration sa susunod na taon.
“Kasi iyong four-car train can carry 1,576 passengers ano at any given time at iyan po ay na-deploy nating iyong dalawa and eventually iyan na po ang magiging, probably, mga next year po, iyan na po ang magiging configuration natin. Mawawala na po iyong three-car train at kapag naayos po natin iyan magiging four-car train na po at mas marami na po tayong mata-transport,” pahayag ni Capati.
Mas mataas ang capacity ng 4-car train kaysa sa 3-car train na may kakayahan lamang na magsakay ng 1,182 commuters.
Muling tiniyak ni Capati na handa ang kanilang pasilidad sa inaasahang pagdami ng pasahero at maiiwasan na ang mga aberya nitong mga nakaraan.
“Natapos na iyong ating rehabilitation. Nasa phase na po tayo ng regular maintenance ng MRT-3 system para masiguro natin na ang ating pasilidad ay ready at mayroon din po tayong ginagawang rehabilitation ng station control room natin at ticket offices para mas maganda at maserbisyuhan pa po natin ang ating mga mananakay,” dagdag ni Capati.