Mungkahing ihinto ang Free College Education Program, mariing kinontra sa Kamara

Mungkahing ihinto ang Free College Education Program, mariing kinontra sa Kamara

MARIING kinontra ni Cagayan de Oro (CDO) Rep. Rufus Rodriguez ang mungkahi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ihinto ang pagpapatupad ang Free College Education Program.

Ayon kay Rodriguez, maraming mahihirap na estudyante ang maaapektuhan kung ihihinto ang programa.

Bagkus, dapat pa nga ay tuluy-tuloy ang implementasyon nito dahil ang libreng edukasyon ang pinakamainam na regalo lalo na sa mga mahihirap.

“Congress can and should continue to fund it. Education is the best gift we can give to the poor,” ani Rodriguez.

Nasa P51.1-B ang proposed budget para sa free tertiary education sa ilalim ng proposed P5.768-T 2024 national budget.

At ayon sa beteranong mambabatas, katiting na parte lamang ang budget ng programa kumpara sa kabuuan ng pambansang pondo.

Nauna nang sinabi ni Diokno na umano’y “anti-poor” ang programa na nangangailangan ng malaking pondo.

Sa halip, nanawagan si Rodriguez sa Commission on Higher Education (CHED) na higpitan ang vetting ng mga batang mabibigyan ng scholarship para matiyak na ang mga karapat-dapat lamang ang mapapasailalim nito.

Isa ang free tertiary education sa mga iniwang legasiya ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble