Mungkahing isama ang mga gun holder sa bansa sa reserve force, suportado ng AFP

Mungkahing isama ang mga gun holder sa bansa sa reserve force, suportado ng AFP

MUNGKAHING isama ang mga gun holder sa bansa sa reserve force, suportado ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Batay sa pinakahuling datos ng AFP Reserve Command, mayroon nang humigit-kumulang 2 milyong Reserve Force ang bansa.

Pero para sa militar, kulang pa ito bilang dagdag-puwersa sa mga lehitimong sundalo na buwis-buhay na nakikipagsapalaran para sa pagtatanggol sa estado at mamamayan ng bansa.

Sa panayam kay AFP chief of staff General Romeo Brawner, Jr. tila hindi na ito nagpaliguy-ligoy pa ng sagot sa malaking pangangailangan ng bansa ng reservists.

Hindi na rin aniya mahihirapan ang pamahalaan sa programang pangkasanayan para sa mga gunholder dahil may sapat na kaalaman na ang mga ito sa responsableng paghawak at pangangalaga ng baril.

Sakali man aniya na maisakatuparan ang mungkahi na ito sa mga tagapagbalangkas ng batas, nais ni Brawner na gamitin ng mga reservist ang kanilang mga nalalaman at abilidad sa paghawak ng baril para protektahan ang sinumang sakop sa kanilang mga kinabibilangang propesyon.

Nauna nang sinang-ayunan ni dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang mungkahing ito dahil na rin aniya sa napapanahong hamon na nararanasan ng bansa lalo na sa kasalukuyang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China sa mga pinag- aagawang isla sa West Philippine Sea (WPS).

 

Follow SMNI NEWS on Twitter