NAKAPAG-isyu ang National Amnesty Commission (NAC) ng Safe Conduct Pass sa 25 aplikante ng amnestiya noong Hunyo 11, isang araw bago ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Ayon kay NAC Chairperson Atty. Leah Tanodra-Armamento, binigyan sila ng awtoridad upang ipatupad ang hakbang na ito, kasabay ng 30-araw na palugit para sa paggawa ng implementing guidelines na natapos noong Abril 29.
Ang Safe Conduct Pass ay isang dokumentong may QR code at opisyal na selyo ng NAC, na nagsisilbing pansamantalang legal na proteksiyon para sa mga aplikanteng may kaso o warrant of arrest.
Layunin nitong bigyang-laya ang mga benepisyaryo na makumpleto ang kanilang dokumento para sa aplikasyon ng amnestiya.
Ipinapaabot ang bawat pass sa DOJ, NBI, AFP, at PNP, upang matiyak na hindi maaaresto ang sinumang aplikante na may hawak nito habang nakabinbin ang proseso ng kanilang amnestiya.
Sa datos ng NAC, umabot na sa halos tatlong libong (2,928) dating rebelde mula sa iba’t ibang armadong grupo ang kabuuang bilang ng mga aplikante para sa amnestiya.