DAGSA na naman ng pila ang Immigration counter sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal-3 bunsod ng panibagong pagkawala ng supply ng kuryente sa Terminal 3, araw ng Biyernes, Hunyo 9.
Kinumpirma ng Manila International Airport Authority (MIAA) na walang nakanselang flights pero may naitalang pitong flights ang na-delay bunsod ng power outage sa NAIA Terminal-3 na umabot ng 37 minuto.
Alas 12:52 ng hapon nang makaranas ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Sa panayam kay MIAA officer in-charge Bryan Co, sinabi nito na muling naibalik ang kuryente sa paliparan ng 1:29 hapon ng Biyernes.
Paglilinaw ni Co, ito’y bunsod sa isinagawang power system audit ng MIAA, umaga ng Biyernes.
Aniya naging matagumpay naman ang audit at review sa power system, ‘yun nga lamang nang muling i-energize ito.
Nagkaroon ng shutdown sa Roadway 1 at Roadway 2 at dito nalaman na may naiwan na test equipment sa isa sa mga apparatus ng substation.
Ayon din sa opisyal, bunga nito walang nakanselang flights pero may pitong flights ang na-delay.
Hindi naman aniya ganun karami ang maapektuhang flights dahil ang kasagsagan ng maraming flights sa NAIA Terminal 3 ay mula alas-4 ng hapon hanggang 12 ng hating gabi.
Bunga rin nito mahaba ang pila sa Immigration counter sa NAIA Terminal-3.
Paliwanag ni CO, ito’y na reboot ang mga computer pati na rin ang mga security screening machine ng Office for Transportation Security.