NAIA Terminal 4, pansamantalang vaccination site habang di pa ginagamit – MIAA

MULING binuksan ngayong araw ang Terminal-4 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang vaccination site sa mga kawani at mga pamilya na miyembro ng One –Stop Shop sa Ninoy Aquino International Airport.

Pansamantala munang ipapagamit ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang NAIA Terminal-4 habang hindi pa ito operational para sa flight operation.

Target ng One- Stop Shop sa Ninoy Aquino International Airport na mabakunahan ang 1,500 indibdwal na pawang mga kawani at mga  pamilya na miyembro ng OSS sa Terminal -4.

Pinagsamang puwersa ng OSS at Bureau of Quarantine ang naturang vaccination roll out ngayong araw sa NAIA Terminal-4.

Kabilang si Alberto at Loida ang tumanggap ng booster dose na pawang mga kawani ng Manila International Airport Authority (MIAA).

Ayon naman kay MIAA Spokesperson Connie Bungag gamit ang Moderna at Sinovac vaccines para sa mga nabakunahan ngayong araw.

Ang One Stop ay binubuo ng iba’t ibang mga ahensya na umaasiste sa mga dumarating na pasahero, OFWs o non- OFWs sa paliparan.

Kabilang na dito ang Department of Tourism (DOT), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Coast Guard (PCG), Maritime Industry Authority (Marina), Office for Transportation Security (OTS), Manila International Airport Authority (MIAA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine National Police (PNP), at ng Bureau of Quarantine (BOQ).

Matatandaan unang naitatag ang One-Stop Shop sa NAIA Terminal 1 ,2 at 3 simula nang manalasa ang COVID-19 pandemic taong 2020.

Ayon pa kay Bungag hangga’t hindi pa operational ang NAIA Terminal-4 para sa flight operation ay patuloy na susuportahan ng pamahalaan ang MIAA para gawing vaccination site ang lugar.

Una na rin target ng MIAA, OSS at BOQ na mabakunahan ang 7,500 indibidwal na mga frontline personnel ng one-stop shop.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter