SA halip na mabuhay sa tsismis, matuto sana ang mga politiko ng disiplina at paggalang tulad ng ipinapakita ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Iginiit ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang hiling na ito sa kaniyang pagdalo sa Camp Aguinaldo kung saan ginanap ang World Hijab Day nitong Huwebes ng hapon.
“Kung sana matututo ang ating mga politiko sa AFP na marunong sa paggalang at pakikiisa, hindi sana tayo nabubuhay sa tsismis. Ang politika natin puro tsismis na rin,” ani Padilla sa kaniyang talumpati.
“Sana rin, makuha ng politiko ang disiplina at professionalism sapagka’t ang pag-unlad ng bayan natin, mag-uumpisa sa paggalang at disiplina. Kung makuha lang natin ang disiplina na ito, darating ang araw tayong mga Pilipino di lang sa usapin ng hijab kundi lahat na aspeto ng kultura, lengwahe at tradisyon, uunlad tayo,” dagdag niya.
Muli ring isinulong ni Padilla ang pagpasa ng panukalang batas para sa paggunita ng National Hijab Day sa Pilipinas tuwing Pebrero 1.
Aniya, natuwa siya nang malamang pinayagan ni AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner, Jr. ang kababaihan sa AFP na magsuot ng hijab, kung kaya’t hiniling niya sa ehekutibo na palakihin ang budget ng AFP para sa mga programa nitong makuha ang tiwala ng taumbayan, tulad ng pagsuot ng hijab.
“Hiling natin sa ating mga namumuno sa executive at legislative, mas lakihin pa budget ninyo hindi lang sa organization kundi sa sinusulong ninyo na ganitong bagay, winning the hearts and minds of the Filipino people,” aniya.
“Kaya sana po dumating ang panahon na mawala sa isip ng kapatid nating senador na ang mga Muslim ay ipinipilit nila ‘yan. There is no compulsion in religion,” aniya.