Nakuhang bloke-bloke ng shabu na palutang-lutang sa karagatan ng Ilocos Sur, umabot na sa 79 piraso

Nakuhang bloke-bloke ng shabu na palutang-lutang sa karagatan ng Ilocos Sur, umabot na sa 79 piraso

UMAKYAT na sa 79 ang bilang ng mga bloke bloke ng shabu na narirekober ng mga awtoridad sa karagatang sakop ng Ilocos Sur.

Ito ay ayon sa impormasyon na ibinigay ng tanggapan ng Provincial Office 1.

Kasunod ng pagkakarekober sa naunang 19 na piraso ng bloke ng shabu sa nasabing lugar.

Ayon kay Police Regional Office 1 Director, PBGen. Lou Evangelista, umabot na sila sa ikaapat na batch ng mga blokeng ito na nagpalutang-lutang sa karagatan ng bayan ng Magsingal, Ilocos Sur.

Dahil dito, umabot na rin sa halos P130-M ang halaga ng mga nakukuhang ilegal na droga batay sa pagtaya ng Dangerous Drugs Board.

Magugunitang, unang natagpuan noong Lunes Hunyo 24, 2024 ang 24 bloke ng shabu sa San Juan, Ilocos Sur na sinundan ng 18 na bloke na nakuha naman sa bayan ng Sta. Maria, Miyerkules Hunyo 26, 2024 at 18 pang blokeng shabu na nakuha mula sa dalampasigan ng Magsingal.

Nauna nang inamin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na malaking hamon pa rin sa ngayon ang pagtukoy sa mga nakukuhang ilegal na droga sa karagatan kung saan ito nanggagaling at sino ang nasa likod ng mga ito.

Hindi rin anila ito malayo na galing sa ibang bansa ang mga ilegal na droga pero ito’y masusi pang pinag-aaralan ng mga awtoridad kung sinu-sino ang mga binabagsakan ng mga ilegal na droga na ito.

Kasabay ng pakiusap nito sa publiko na agad na ipagbigay-alam kung may mga nakita o namamataang ilegal na droga sa mga baybayin mula sa iba’t ibang komunidad para agad na maiturn over ito sa mga kinauukulan.

Samantala, tumutulong na rin ang PNP Maritime Group sa paghahanap at pagsuyod sa mga karagatan at baybaying sakop ng lalawigan ng Ilocos Sur sakaling mayroon pang makita na kasama sa mga naunang palutang-lutang na pake-paketeng shabu sa lugar.

Ayon naman sa PNP Regional Office 1, ito ang kauna-unahan nilang operasyon na may palutang-lutang na ilegal na droga sa karagatan ng Ilocos Sur.

Follow SMNI NEWS on Twitter