NASA 100 na pinagsama-samang bilang ng gun-for-hire groups, criminal groups at private armed groups (PAGs) ang kasalukuyang binabantayan ng Philippine National Police (PNP) sa gitna ng papalapit na midterm elections sa Mayo.
Ito ang kinumpirma ni PNP Directorate for Operations Director PMGen. Nicolas Salvador sa isang panayam nito batay sa datos na hawak ng Intelligence Community ng PNP.
“Actually, hindi na lalagpas ‘yung talagang PAGs, hindi lalagpas ng 10—pero kung isasama lahat pati ‘yung mga criminal groups, gun-for-hire na nasa listahan ng Intelligence Community natin is kulang-kulang sa 100,” saad ni PMGen. Nicolas Salvador, Director, PNP-Directorate for Operations.
Kaya sa loob ng 100 araw bago ang mismong botohan, pinatitiyak nito sa mga nakasasakop na mga opisyal sa iba’t ibang rehiyon at area commands na walisin na ang mga grupong ito na maaaring magamit para guluhin ang eleksiyon ngayong taon.
Matatandaang, ngayong buwan ng Marso na lamang ang ibinigay na taning ng PNP sa lahat ng Police Regional Offices na dapat wala nang PAGs sa bansa hindi lang dahil sa eleksiyon kundi bahagi ng mandato nito na maging ligtas ang kani-kanilang areas of responsibility.
“Kaya ang bilin ng ating Chief PNP na magkakaroon ng target-driven operations. Kasama ito sa 100 days operational activities at bibigyan ng taning lahat ng PROs na by March 31 dapat wala nang PAGs,” ani Salvador.