UMAAPELA ng agarang tulong mula sa lokal na pamahalaan ang mga nasa 90 pamilyang apektado ng sunog sa Barangay 144 sa Pasay City nitong gabi ng Miyerkules.
Isa ang pamilya ni Aling Raquel Doblado sa maraming pamilyang nasunugan.
Nagpalipas muna sila ng gabi sa parking lot sa harap ng mga establisyemento matapos natupok ang kanilang bahay.
Maliban sa kanilang mga ari-arian, kasamang natupok ng sunog ang mga gamit pang-eskwela at uniforms ng tatlong anak ni Aling Raquel.
Si Aling Princess kakausapin na lamang ang mga guro ng kaniyang mga anak para i-excuse sila sa klase.
Ang mga bagong biling notebooks, uniforms at ibang school supplies, hindi na naisalba ni Aling Princess.
Batay sa report ng BFP-National Capital Region, nag-umpisa ang sunog bandang 7:23 ng gabi.
Umakyat sa pangalawang alarma ang sunog pagsapit ng 7:36 ng gabi.
Pero dahil sa bilis na pagkalat ng sunog bunsod ng magkakatabi ang mga kabahayan, umabot pa ito sa ika-3 na alarma bandang 7:50 ng gabi.
Naapula ang sunog mahigit tatlong oras ang nakalipas.
Sa inisyal na report, aabot sa 55 na mga bahay at nasa 90 na mga pamilya ang naapektuhan sa nangyaring sunog.