NADAGDAGAN pa ang bilang ng mga nasasawi kasunod ng pananalasa ng Bagyong Kristine sa Bicol Region.
Ayon sa ulat ni Police Regional Office 5 Director, PBGen. Andre Dizon sa Kampo Krame as of 7 AM ay umakyat na sa 20 ang mga naitatala nilang nasawi dahil sa bagyo.
Mula sa nasabing bilang, 7 rito ang buhat sa Naga City, 5 sa Catanduanes, 4 sa Albay habang tig-1 sa Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon, at Masbate.
Karamihan sa mga nasawi ay dahil sa pagkalunod habang may 1 naman sa Masbate na madaganan ng natumbang puno.
Gayunman, nilinaw ni Dizon na sasailalim pa sa validation ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Management of the Dead and Missing ang mga naturang kaso.
Sa ngayon, ang tinututukan ng pulisya ay ang mga bayan ng Ligao, Oas, Libon, at Polangui sa Albay gayundin sa Nabua sa Camarines Sur na lagpas-tao ang baha maging sa Naga City.
Maliban sa mga nasawi, may 4 pa ang nawawala kung saan, 2 rito ay mula sa Masbate habang tig-isa naman sa Camarines Sur at Albay.