National kick-off ng Brigada Ekwela sa Cebu, pinangunahan ni VP Sara

National kick-off ng Brigada Ekwela sa Cebu, pinangunahan ni VP Sara

DALAWANG araw bago ang kaniyang resignation bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), pinangunahan ni Vice President Sara Duterte ang national kick-off ng National Brigada Eskwela sa Carmen National High School sa Cebu.

Dito muling nagpaunlak ng interview sa media si VP Duterte para sagutin ang ilang mahahalagang isyu.

Incoming DepEd Secretary Angara, alam ang gagawin para mapaunlad ang sektor ng edukasyon—VP Duterte

Ibinahagi ng pangalawang pangulo na sa Huwebes ay magkakaroon sila ng maikling pagpupulong ni incoming Education Secretary Sonny Angara at isasagawa ang official turnover ceremony.

Bago pa niyan ay nagkaroon na rin ng turnover meetings si Angara kasama ang iba pang opisyal ng DepEd.

Sabi ng bise presidente – wala naman siyang habilin sa bagong kalihim dahil matagal na rin aniya ito sa gobyerno.

“Wala naman. Alam ko na si Senator Angara ay matagal na sa gobyerno kumpara sa akin. Alam niya kung ano ang kailangan. Alam niya kung ano ang kailangan gawin para mapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa bansa,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.

Ilang opisyal ng DepEd, hindi na magpapatuloy pa sa ahensiya—VP Sara

Kaugnay naman sa limang matataas na opisyal ng DepEd na naghain ng kanilang resignation, una na aniya niyang sinabihan ang mga ito na manatili sa DepEd para hindi maapektuhan ang operasyon ng ahensiya.

“Please stay until the new secretary will remove you because otherwise dahil kung aalis ang lahat, mapilayan ang Department of Education.  It will be detrimental to the department. Sinabihan ko sila na manatili hanggang ang bagong kalihim ay magdesisyon na tanggalin kayo. Diyan na kayo umalis,” aniya.

Pero sa kabila aniya nito ay nakapagdesisyon na ang ilang opisyal ng DepEd na magbitiw na sa puwesto.

“Ang iba nagsabi na hindi na sila magpapatuloy sa Department of Education. Two will proceed to retirement, one moved to the Office of the Vice President and then one, we will discuss kung ano ang aming arrangement, sa aming working arrangements. And the other one hindi pa kami nag-usap,” aniya pa.

Camaraderie sa loob ng DepEd at pagsisilbi sa mga kabataan, mamimiss ni VP Duterte

Nang tanungin si VP Duterte kung ano ang kaniyang mamimiss sa DepEd, ito ang kaniyang naging tugon.

“Mamimiss ko ang camaraderie ng Department of Education dahil ‘yung mga teaching and non-teaching personnel natin no, kung saan man ako mapunta, hindi man sa loob ng paaralan, lagi silang pleasant, friendly sa akin. Kung saan man ako sa bansa pumunta, they will always say na kami ay taga-Department of Education.”

“And lagi akong nagpapasalamat sa kanilang serbisyo sa bayan.”

“Pangalawa ‘yung intent naming lahat na pagsilbihan ang ating kabataan. Lagi ko ring sinasabi sa kanila na nagpapasalamat ako sa kanilang serbisyo sa ating bayan at pagtulong sa ating mga kabataan,” wika pa ng bise presidente.

‘Designated survivor,’ hindi isang biro—VP Sara

Samantala, sinagot naman ng pangalawang pangulo ang pangkukuwestiyon ng ilang mambabatas tungkol sa kaniyang sinabi na hindi siya dadalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. at kaniyang itinalaga ang kaniyang sarili bilang designated survivor.

“Hindi iyon joke. Hindi rin ‘yun bomb threat. I think many missed the point. Para sa akin kung hindi mo naintindihan sa unang pagkakataon, I don’t think you deserve an explanation,” pagtatapos ni VP Sara.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble