HANDA na ang National Museum para sa inagurasyon ni President-elect Bongbong Marcos Jr. ngayong araw.
Sa Malacañang Palace magsisimula ang mga ganap ngayong araw kung saan mangyayari ang traditional meeting sa pagitan ni Marcos Jr. at outgoing President Rodrigo Roa Duterte.
Bago umalis sa Malacañang, bibigyan ng Departure Honors ni Pangulong Duterte.
Pagkatapos ay tutungo na si BBM sa National Museum.
Sisimulan ang inagurasyon sa pag-awit sa Lupang Hinirang na susundan ng Ecumenical/ Interfaith Prayer.
Susundan agad ito ng military parade na magtatagal ng 30 minuto.
Pagkatapos, babasahin ni Senate President Tito Sotto III ang Joint Resolution of both Houses of Congress bago ang mismong panunumpa ni PBBM eksaktong alas-12 ng tanghali mamaya.
May kaunting pagbabago naman sa inaugural speech ni PBBM dahil may advise sa kanya na gumamit ng prompter.
Pagkatapos ay kakantahin ang inaugural song na ‘Pilipinas Kong Mahal’ ni Cris Villonco kasama ang Young Voices of the Philippines Choir.
Pagkatapos ng kanyang inagurasyon, babalik si President-BBM sa Malacañang para sa mass oath taking ng kanyang designated cabinet secretaries na susundan ng inaugural dinner.
Samantala, pinangalanan na ang designer na gumawa ng barong ni PBBM.
Ang inaugural barong ay idinisenyo ni Pepito Albert ay hango sa Rayadillo, ang tradisyunal na uniporme ng mga sundalo noong panahon ng mga Kastila.
Para naman sa magaganap na salu-salo mamayang gabi, isusuot ni PBBM ang barong na gawa sa tela ng piña na idinisenyo muli ni Pepito Albert sa bayan ng Taal, Batangas.
Katerno nito ang sapatos na gawa ng Sapatero Manila.
Maging bahagi naman sa thanksgiving mamayang gabi ang People’s Concert.