AYON sa Commission on Elections (COMELEC), layon ng Voter’s Information Sheet (VIS) na magabayan ang mga botante sa darating na halalan. Nagsimula na ang pamamahagi nito noong Miyerkules, at mahigit 68 milyong VIS na ang na-imprenta para sa mga rehistradong botante sa buong bansa.
Ang bawat VIS ay naglalaman ng pangalan, address, precinct number ng botante, at ang lugar kung saan siya boboto sa Mayo 12.
Kasama rin sa VIS ang isang sample ballot na naglalaman ng listahan ng mga kandidato, pati na rin ang step-by-step na gabay kung paano bumoto, at mga paalala mula sa COMELEC bago at sa mismong araw ng eleksyon.
Ayon pa sa COMELEC, isang legal na mandato ang pamamahagi ng VIS sa mga rehistradong botante bago ang eleksyon. Upang maiwasan ang anumang pulitikal na isyu, nagdesisyon ang COMELEC na mag-hire ng mga personnel para sa distribusyon ng VIS, imbes na iasa ito sa mga taga-barangay.
“Hanapan niyo rin ng ID ang aming mga tauhan na magdi-distribute, kasama sa aming operation plan na dapat may pagkakakilanlan yung mismong taong mamimigay ng Voter’s Information Sheet,” pahayag ni Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.
COMELEC: Pagpapapirma sa Voter’s Information Sheet, hindi gagamitin sa impeachment, People’s Initiative
Ayon kay Atty. George Garcia, unang na-distribute ang VIS sa mga rehiyon ng X, XI, XII, BARMM, at Caraga. Nilinaw naman ng COMELEC na ang pagpapapirma sa mga botante pagkatapos nilang matanggap ang kanilang VIS ay hindi gagamitin para sa People’s Initiative o impeachment. Ang pirma ng mga botante ay magsisilbing patunay lamang na natanggap nila ang VIS.
Kung wala sa bahay ang may-ari ng VIS, maaari namang pumirma o tumanggap ang authorized representative nito.
“Doon po kasi sa Caraga, may mga kumakalat na ‘wag tatanggapin ang Voter’s Information Sheet o ‘wag pipirma basta-basta. Tanggapin ang VIS pero ‘wag pipirma, baka raw gamitin sa impeachment o PI. Wala pong ganun. Pagtiwalaan niyo po ang COMELEC,” ani Garcia.
Mahigpit na mino-monitor ng COMELEC ang distribusyon ng VIS, lalo’t target nilang matapos ito bago mag-Mayo.
“Ngayon po natin ginawa na malawakang ang distribution ng VIS. In fact, on a weekly basis, magkakaroon kami ng report sa bawat opisina ng COMELEC para alamin kung gaano na ba kalawak o kahina yung aming distribution system. Bago magtapos ang Abril, matatapos ang distribusyon sa buong 68 milyong botante natin sa buong bansa,” dagdag nito.
Maliban sa VIS, dalawang linggo bago ang eleksyon ay magbubukas na rin ang Precinct Finder ng COMELEC sa internet. Magiging available ito 24 oras para sa mga botante.
“’Yung pong marurunong, may access sa internet, meron po tayong ilalabas na Precinct Finder. Therefore, kahit meron na po kayong kopya ng VIS, pwede pa rin ninyong tingnan ang inyong mga pangalan, ang inyong mga presinto, at kung saan lugar na elementary school kayo boboto,” aniya pa.
Ayon pa kay Garcia, hanggang sa mismong araw ng eleksiyon ay patuloy na gagabayan ng COMELEC ang mga botante sa pamamagitan ng mga Voter’s Assistance Desk, sakaling mawala nila ang kanilang Voter’s Information Sheet.