Metro Manila, patuloy na nakakapagtala ng pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa buong bansa

Metro Manila, patuloy na nakakapagtala ng pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa buong bansa

NAKAKAPAGTALA ng pinakamataas na kaso ng COVID19 ang National Capital Region (NCR) sa nakalipas na 14 araw.

Sa latest update ng DOH, ang Metro Manila ang nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa buong bansa kung saan sa loob ng 14 na araw ay nakapagtala ito ng 7, 920 na kaso.

Sumunod sa NCR ay ang Region IV-A na may 3, 573 na kaso, pumangatlo ang Region VI na nakapagtala ng 1, 511 na kaso at ang sumunod ay ang Region III na may 711 na kaso ng COVID-19 sa nakalipas na 14 na araw.

Dahil dito, umakyat na sa 14,218 ang aktibong kaso ng bansa na siyang pinakamataas simula Abril 2022.

Tumaas din ang bed occupancy rate sa 20 porsiyento.

Kasunod nito may mga rekomendasyon na gawin nang mandatory ang booster shots sa general population para mapataas ang proteksyon ng mga tao lalo nat naghahanda na ang bansa sa face-to-face classes sa buwan ng Nobyembre.

“Kailangang mandatory na siguro para lang ma-increase natin ang protection especially now we’re preparing for the face-to-face classes in November and the workplaces are also open now,” pahayag ni Dr. Rontgene Solante, isang infectious disease expert.

Una namang sinabi ng DOH na nanatiling non mandatory ang bakunahan sa bansa kahit pa pumayag si President BBM na isama ang booster dose bago pwedeng tawaging fully vaccinated ang isang tao.

Napag-alaman na ilan sa mga tinamaan ng COVID-19 kamakailan sa NCR ay si President Bongbong Marcos at DOJ Sec. Boying Remulla.

Follow SMNI News on Twitter