NCRPO chief, ibinunyag na may mga nawawalang administrative case folder ng mga pulis

NCRPO chief, ibinunyag na may mga nawawalang administrative case folder ng mga pulis

PINAIIMBESTIGAHAN na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Melencio Nartatez, Jr. ang mga nawawalang case folder sa loob ng kanilang hanay.

Ito’y matapos na madiskubre ni Nartatez na maraming mga dokumento ng administrative cases ng mga pasaway na pulis ang nawawala.

Kapansin-pansin aniya sa kaniyang pag-upo bilang NCRPO chief noong nakaraang administrasyon ay kakaunti lang ang bilang ng mga nakakasuhan at nadidismis na mga pulis sa NCRPO.

At dito na niya napag-alaman na may mga iregularidad na nangyayari sa baba na hindi naipapaalam sa mga nakaupong hepe.

Sa ngayon hindi pa matukoy ng heneral kung ilang papeles ang nawawala na siyang nakikita nitong mitsa kung bakit aniya. Kakaunti ang bilang ng mga naparurusahang mga pulis bunsod ng nasabing anomalya.

Aminado ang NCRPO na marami pang mga kababalaghan ang nangyayari sa NCRPO mula pa sa mga nakaraang administrasyon.

Wala namang sinisisi si Nartatez sa mga nagdaang regional director ng NCRPO dahil batid nito na kung ano lamang ang nakararating na papel sa kanilang tanggapan ay iyon lang din ang didesisyunan ng isang opisyal.

Tiniyak ngayon ng kasalukuyang NCRPO chief na hindi niya ito mapapalagpas sa ilalim ng mas maigting na internal cleansing policy sa kanilang hanay.

4 na tauhan ng NCRPO, nagpositibo sa drug test—NCRPO chief

Sa katunayan, nito lamang pagpasok ng bagong taon, apat na tauhan nito ang nagpositibo sa isinagawang random drug test at confirmatory test.

Isinagawa ang eksaminasyon matapos ang mga ito ay idineploy sa kasagsagan ng holiday season at pagsalubong sa Bagong Taon.

Agad na dinis-armahan ang mga ito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa apat na PNP personnel.

Muling binigyang-diin ni General Nartatez na walang puwang sa kanilang hanay ang paggamit, pagbibenta at ilegal na transaksiyon ng ilegal na droga at tiniyak nito ang mabigat na kaparusahan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble