IKINATUWA at ikinokonsiderang welcome development ng pamunuan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang panukala at isinusulong na palawakin o palakasin ang pwersa ng NDRRMC.
Sa isang pahayag ay sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na suportado at nagpapasalamat sila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa nasabing isyu.
Samantala nauna dito ay iginiit naman ni Senadora Imee Marcos na hindi dapat magdulot ng kalituhan sa gobyerno ang pagpapabuti sa disaster management habang gusto rin nitong tapyasin ang burukrasya.
Ito’y kaugnay sa rekomendasyon na dapat i-upgrade na lang o bigyang dagdag kapangyarihan ang NDRRMC bilang suporta sa “rightsizing” policy ng gobyerno, kaysa gumawa pa ng bago at napakalaking departamento.
Magagawa naman anyang ma-upgrade ang kasalukuyang papel ng NDRRMC bilang konseho patungo sa isang otorisadong ahensya, sa halip na magtatag ng isang “full-scale department” na mangangailangan ng malaking budget para sa mga pasweldo sa mga undersecretaries at mga assistant secretaries.