NAGMISTULANG dagat dahil sa matinding pagbaha ang ilang mga lugar sa bansa.
Ito ay matapos ang matinding buhos ng ulan na pinalakas ng Bagyong Kristine.
Pero, mas ikinababahala ang posibleng epekto ng nasabing bagyo sa sektor ng agrikultura.
Karamihan kasi sa mga rehiyon na dinaanan ng bagyo ay mga probinsiyang pangunahing pinagkukunan ng suplay ng bigas.
Sabi nga ng grupong Federation of Free Farmers (FFF) maapektuhan na naman dito ang lokal na produksiyon ng mga magsasaka.
“Tiyak na tiyak na mababa ang ating produksyon as to gaano kalaki ang magiging bawas sa ating produksyon depende kung gaano katagal itong bagyo na ito. Kasi, malakas ang ulan so epekto niyan either mababaha ang mga palayan natin or maging masyadong basa ang mga palay na aanihin. Ang quality niyan ay hindi na maganda, siyempre apektado rin ‘yung presyo,” pahayag ni Leonardo Montemayor, Chairman, FFF.
Makabubuti aniya na mas maraming drying facility ang maibahagi ng gobyerno upang mapakinabangan pa ang nabasang palay.
Katunayan, nag-ikot si National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson para siguruhin ang kahandaan ng mga NFA warehouse sa iba’t ibang rehiyon.
Ito ay para matiyak na mayroong sapat na suplay ng bigas para sa emergency at relief operations ng mga lalawigan na nakakaranas ng epekto ng bagyo.
“Lahat ng NFA office ngayon ay bukas, be on alert provide assistance it could be bigas, sasakyan or whatever especially diyan sa may Region 5,” saad ni Larry Lacson, Administrator, NFA.
Tig-500 sako ng bigas ang nakatakdang i-deploy sa Sorsogon at Catanduanes upang ipamahagi sa mga apektadong pamilya.
Habang papalo naman sa 4.3 milyong sako ng bigas ang imbentaryo ng ahensiya na sasapat para tugunan ang mga relief operation sa panahon ng sakuna.
“We are really confident na mayroong ibibigay na stocks sa ating mga LGU na mangangailangan,” ani Lacson.
DA, tiwala na hindi malaki ang pinsala ng Bagyong Kristine sa sektor ng agrikultura; Suplay ng bigas, sapat sa loob ng 100-araw
Tiwala naman aniya ang Department of Agriculture na hindi malaki ang magiging pinsala ng Bagyong Kristine sa sektor ng agrikultura.
Ito ay matapos maagang naabisuhan ang mga magsasaka na anihin na ‘yung mga pananim na maituturing na “matured crops”.
“About 60% to 70% nitong areas at risk ay nakapag-harvest na,” wika ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
Cordillera, Regions 1, 2, 3, 4-A, 4-B, 5, Region 8 at CARAGA. Hopefully, hindi ganon kalaki pero siyempre we will be waiting for the actual at validated reports.
Hindi rin dapat mangamba dahil sapat ang suplay ng bigas sa bansa sa kabila ng malawak na pinsala ng bagyong Kristine.
“Dahil doon sa importation na dumating at ini-expect pa na dumating on a historical trend ay puwede pa ring umabot hanggang 100 days ‘yung ating stock inventory at after the end of the year ay hindi tayo nangangamba pagdating doon sa stocks natin,” dagdag ni De Mesa.
Gayunpaman, nakahanda umano ang mga tulong na maaaaring ipamahagi sa mga magsasaka at mangingisda.
Kabilang na rito ang binhi, abono, at mga kagamitang pansaka at pangisda bukod pa riyan ang bilyong pisong pondo mula naman sa Quick Response Fund.