NFA planong i-auction ang mga lumang suplay na bigas matapos bigong bilhin ng mga LGU

NFA planong i-auction ang mga lumang suplay na bigas matapos bigong bilhin ng mga LGU

BUWAN pa ng Pebrero nang magdeklara ng ‘food security emergency’ ang Department of Agriculture (DA), partikular sa bigas, dahil sa umano’y biglaang pagsirit ng presyo nito sa mga pamilihan.

Una nang sinabi ng National Food Authority (NFA) na maraming lokal na pamahalaan ang nagpahayag ng interes na bumili ng suplay.

Ngunit halos tatlong buwan na ang lumipas mula nang ipatupad ang food emergency at kakaunti pa rin ang nailalabas na bigas mula sa mga bodega.

Sa pinakahuling datos ng NFA, nasa 15,000 bags pa lamang ang kanilang naibebenta sa mga LGU—malayo sa 700,000 bags na kasalukuyang nakaimbak sa kanilang mga bodega.

Aminado ang NFA na bigo silang maibenta ang lumang suplay sa mga LGU.

Pero may plano na anila sila ngayon.

“Magpapa-auction under the law… floor price? Sa ngayon ay wala. Pag-aaralan natin kasi it’s a combination of world market prices, current cost. So, you have to balance it. Puwede mong sabihing P38 pero kung nakakabili sila ng imported na at P32, P34, sino ang makikipag-bid? Hindi below P30 sir? Definitely, hindi,” ayon kay Larry Lacson, Administrator, National Food Authority (NFA).

Sa ngayon, pag-aaralan pa umano ng NFA ang guidelines nito at wala pang pinal na petsa kung kailan ito ipatutupad.

Sa pamamagitan ng auction, maaaring maibenta ng NFA ang lumang suplay sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor.

Kung maaalala, noong 2023, nasangkot sa kontrobersiya ang NFA matapos ibenta ang libu-libong bags ng rice buffer stocks sa mga pribadong rice traders nang walang tamang bidding process—isang hakbang na ikinalugi ng gobyerno.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble