NHA: 1.2-M housing units pa ang nagawa sa loob ng 50 taon; Backlog sa pabahay ng gobyerno, nasa 6.5-M pa

NHA: 1.2-M housing units pa ang nagawa sa loob ng 50 taon; Backlog sa pabahay ng gobyerno, nasa 6.5-M pa

AMINADO ang National Housing Authority na pahirapan ang pagpapatayo ng mga pabahay para sa mga mahihirap na Pilipino o informal settler families. Sa loob ng 50 taon, 1.2 million housing units pa lamang ang kanilang naipatayo—malayo pa rin ito sa kasalukuyang backlog na umaabot sa 6.5 million units.

Sa kahabaan ng Agham Road sa Quezon City, naninirahan si Aling Ramaha kasama ang kaniyang dalawang anak.

Ilang taon na silang walang permanenteng tirahan kaya’t palipat-lipat ang mga ito.

Sa pamamagitan ng pagtitinda ng pagkain, pinagsisikapan niyang buhayin ang kaniyang mga anak, ngunit madalas ay hindi ito sapat para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Hindi na nga aniya siya nakakapag-ipon ng pera para sana magkaroon ng sariling tahanan.

“Sa ngayon ay nakadalawang lipat, hintay na lang kami kung mabibigyan kami ng bahay, pero kung ma-demolish dito, ay hindi talaga,” ayon kay Rahama Alamada.

Ang mandato ng National Housing Authority (NHA) ay magbigay at magpatupad ng mga proyekto para sa pabahay, lalo na para sa mga pamilyang mahihirap o informal settlers.
Pero, aminado ang ahensiya na pahirapan ang pagpapatayo ng housing units dahil sa iba’t ibang kadahilanan.

Kabilang na ang kakulangan ng pondo, resettlement sites at iba pa.

“For this year, we are targeting around a hundred thousand. It’s a challenge po kaya we’re trying to get a budget from other resources,” wika ni Joeben Tai, General Manager, National Housing Authority.

Nasa P2B lang aniya kasi ang pondo na nakalaan para sa nasabing proyekto.

Kaya hindi aniya maiiwasan na hindi maabot kada taon ang target na housing units.

“Sa amin po ang backlog po may calamity victims din po. Of course, mas maraming budget mas mabuti po,” dagdag ni Tai.

Sa ngayon, nasa 1.2 million housing units pa lang ang naipatayo ng ahensiya sa loob ng 50 taon para sa informal settler families.

Malayo ‘yan sa kasalukuyang 6.5 million na backlog ng housing department.
Pero, maghahanap daw ng paraan ang ahensiya para matugunan ito.

“We have mga PPP or private developers and also we have budget from other sources like NDRRMC for calamity victims, and also from DOTr for those right of way projects para sa ating mga pamilyang naapektuhan ng road right of way and other infrastructure projects,” dagdag ni Tai.

“As of now, ‘yun pa rin ang target ko and I think doable naman ‘yung target ko,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble