NILAGDAAN ng Department of Energy (DOE) ang isang memorandum of agreement (MOA) sa National Irrigation Administration (NIA) na nilalayong ma-optimize ang paggamit ng bansa sa renewable energy at gawing mas accessible ito sa publiko.
Ginawa ang signing ceremony sa Palasyo ng Malacañang nitong Huwebes, Disyembre 7, 2023.
Pinirmahan ni DOE Usec. Sharon Garin at Director Marissa Cerezo ang kasunduan kasama ang kinatawan ng NIA sa pangunguna ni Engr. Eduardo Eddie Guillen.
“Ang kagandahan ho kasi ng samahan namin ngayon is that ‘yung parochial thinking ng national government agencies minsan kanya-kanya. Ito po ay nagiging….nagkakaroon kami ng convergence effort. So, itong partnership na ito ay ma-streamline at maayos ‘yung ating application sa renewable energy service contracts,” ayon kay Engr. Eduardo Guillen, Administrator, NIA.
Ang kasunduan sa pagitan ng DOE at NIA ay nagpahiwatig ng isang mahalagang hakbang pasulong sa paghahangad ng water security at sustainable resource management na naaayon sa mga layuning nakabalangkas sa Executive Order No. 22, series of 2023.
Sa pamamagitan din nito, naisapormal na ang pagtutulungan ng dalawang ahensiya upang mapahusay ang countrywide approach sa pagbuo ng renewable energy resources.
Inihayag naman ni Usec. Garin na panibagong hakbang ito tungo sa layon ng administrasyon na makabuo ng 35 porsiyento ng kuryente mula sa renewable energy sources sa 2030 at 50 porsiyento sa 2040.
Kabilang sa mga nakikitang proyekto sa ilalim ng kasunduan ay ang pagkakaroon ng floating solar panel sa irrigation sites.
“This is one way of hastening, meeting the objectives. Our Secretary, Secretary Lotilla is very supportive of this because this is a low-lying fruit, hindi mo na kailangan ng right of way. Ang permitting is through NIA na lang and then also kung may floating solar diyan, the evaporation of the water is also less,” ayon kay Usec. Sharon Garin, DOE.
Sa ilalim ng kasunduan, gagamitin ng DOE ang mga umiiral na pasilidad ng irigasyon ng NIA at ang mga kasalukuyang konstruksiyon.
Kabilang dito ang mga lugar na tinukoy at nakalista para sa Future Irrigation Development Projects for Public Consumption, nang hindi nakokompromiso ang mga operasyon ng NIA.
Bilang bahagi ng estratehikong inisyatiba, ang irrigation water ng NIA ay makatutulong sa ahensiya na lumawak ‘economically’ at makabuo ng karagdagang pondo para sa operasyon at pagmentina ng irrigation facilities nito.
Ito’y habang pinapahintulutan ang DOE na bigyan ang publiko ng mas mahusay na access sa malinis, makatuwirang presyo na mapagkukunan ng enerhiya.
Samantala, inilahad ni Senior Deputy Executive Secretary Hubert Dominic Guevara, na sumaksi sa naturang signing na mas maraming proyekto pa ang gagawin upang matiyak na ang bansa ay magkakaroon ng maiinom na tubig sa 2040.
“This is one of the few steps that we are undertaking in support to President’s call for food security and water security. We have other agreements that we will be signing of later and we have projects that we will be pursuing already in the near future. So, I like to encourage everyone to support the projects of the administration,” ayon kay Hubert Dominic Guevara, Senior Deputy Executive Secretary.
Sa kabilang banda, nilagdaan din ng NIA at ng Provincial Government ng Cavite ang isang memorandum of agreement (MOA), na nagre-revolutionized ng paggamit ng lalawigan ng yamang tubig.
Pinirmahan ni Cavite Gov. Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang MOA kasama si NIA Administrator Guillen.
“Cavite has 1.2 million households which are in desperate need, 24/7 supply of water. This agreement ensures that our growth is continued, that our industry continues, and that … continues. What is good for Cavite is good for the country,” ayon kay Gov. Juanito Victor “Jonvic” Remulla, Cavite.
Sa ilalim ng MOA, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite ay makikipagtulungan sa NIA upang matiyak ang responsable at sustainable na paggamit ng mga yamang tubig.