NICA, itinangging “red tagging” ang kanilang ginagawa

KATOTOHANAN ang mga pinalalabas na impormasyon ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), taliwas sa mga sinasabi ng mga makakaliwang grupo na sila ay gumagawa ng red tagging.

Ito ang inihayag ng NICA Director General Alex Paul Monteagudo sa panayam ng SMNI News.

“Ang paglalabas po natin ng impormasyon na ito ay kasama na sa ating mandato na kailangan malaman ng buong sambayanan ang ating mamayan ang katotohanan sa mga organisasyon na nagtatagom,” pahayag ng NICA.

Paglilinaw ni Monteagudo, hindi nila sinasabi na lahat ng miyembro ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon o SENADO ay supporters ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ani Monteagudo, nagkaroon ng access ang CPP-NPA sa mataas na kapulungan dahil sa “SENADO”.

Bukod pa rito, nakikipag-ugnayan din umano ang “SENADO” sa Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees o COURAGE na isa rin sa may kinalaman sa rebeldeng grupo ayon kay Monteagudo.

(BASAHIN: Joma Sison, maaring maimbitahan sa susunod na pagdinig ng Senado kaugnay sa red tagging)

No-to-red tagging ng ilang front groups ng CPP-NPA, isang kalokohan —NYC

Kalokohan ang sinasabi ng ilang partylist groups na “no to red-tagging” dahil konektado sila sa CPP-NPA.

Sa panayam ng SMNI News kay National Youth Commission o NYC Commissioner Ronald Cardema, hindi na sana magmamaang-maangan ang mga ito sa katotohanan dahil karamihan na sa mga na-red tag na front groups ng CPP-NPA ay may nakumpirma nang mga myembro ng terorista.

Isang halimbawa na lang ang napatay na anak ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat.

“May napapatay na NPA sa hanay ng Kabataan Partylist, sa hanay ng Bayan Muna, hanay ng AnakPawis, hanay ng mga makakaliwang partylist. Wala namang mula doon sa ibang partylist. Sasabihin nila nire-redtag sila. Si Congresswoman Cullamat ng Bayan Muna, sabi nya ‘No to red-tagging. Bawal ang mga pasista katulad ng PNP at AFP.’ Biglang malaman-laman natin yung anak nyang babae, mapapatay bilang NPA?” pahayag ni Cardema.

Ani Cardema, walang problema kung nambabatikos sila sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte basta hindi lang kasapi sa NPA.

Matatandaang inihain ni Sen. Franklin Drilon sa Senado ang isang panukala na 10-year imprisonment ng mga indibidwal na sangkot sa red tagging.

SMNI NEWS