Nilagdaang Ease of Paying Taxes Act, nilalayong protektahan ang karapatan ng taxpayers

Nilagdaang Ease of Paying Taxes Act, nilalayong protektahan ang karapatan ng taxpayers

NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Republic Act No. 11976, na kilala rin bilang “Ease of Paying Taxes Act”.

Ito ang ibinahagi ng Presidential Communications Office (PCO) kung saan nakikitang malaki ang kontribusyon nito sa pagkamit ng 8-Point Socioeconomic Agenda ng administrasyon.

Saad pa ng PCO, ang naturang batas ay nilalayong mas mapahusay ang koleksiyon ng kita sa pamamagitan ng mga inisyatiba ng digitalization.

Suportado ng bagong pinirmahang batas na Ease of Paying Taxes (EOPT) ang 8-Point Socioeconomic Agenda ng administrasyon sa pamamagitan ng pangongolekta ng mas maraming buwis para mapag-ibayo ang economic at social development.

Ang batas ay magpapabago at magpapataas ng kahusayan at pagiging epektibo ng pangangasiwa ng buwis at magpapalakas sa mga karapatan ng nagbabayad ng buwis o taxpayers.

Kabilang sa salient features ng batas ang classification ng taxpayers sa micro, small, medium, and large; electronic o manual filing ng returns at payment taxes sa BIR, o sa pamamagitan ng alinmang awtorisadong agent bank o awtorisadong tax software provider;

Kasama rin ang opsyong magbayad ng internal revenue taxes removal sa City o Municipal Treasurer; at pag-aalis ng pagkakaiba sa pagitan ng dokumentasyon at batayan ng pagbebenta ng mga kalakal at serbisyo; at pag-uuri ng refund claims ng value-added tax (VAT) sa “low, medium, and high-risk.”

Nagtatampok din ang batas ng pagtiyak sa pagkakaroon ng mga pasilidad sa pagpaparehistro sa mga nagbabayad ng buwis na hindi residente ng Pilipinas; pagtataguyod at pagtulong sa taxpayers sa tax processes at pag-streamline; pagbabawas ng requirements sa dokumentaryo, at pag-digitize ng mga serbisyo ng BIR, sa pamamagitan ng pagbuo ng Ease of Paying Taxes at Digitalization Roadmap ng BIR.

Kasabay rito, ang RA No. 11976 ay nagpapataw ng 180 araw upang aksiyunan ang claims para sa refund ng mali o ilegal na pangongolekta ng buwis; tinataasan ang halaga para sa mandatoryong pag-iisyu ng mga resibo para sa bawat pagbebenta at paglilipat ng mga produkto at serbisyo, mula sa P100 ay magiging P500; at pagbabawas ng bilang ng mga pahina ng income tax return (ITR), mula apat ay magiging dalawang pahina na lamang.

Ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas ay dapat ipahayag 90 araw mula sa bisa nito pagkatapos ng konsultasyon ng Finance Secretary sa BIR at sa pribadong sektor.

Ang RA No. 11976 ay magkakabisa 15 araw pagkatapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble