NLEX Road Warriors, wagi kontra TNT Katropa sa PBA Philippine Cup

NLEX Road Warriors, wagi kontra TNT Katropa sa PBA Philippine Cup

Hindi pinayagan ng NLEX Road Warriors na makaporma ang TNT Katropa matapos silang talunin sa iskor na 91-74 sa nagpapatuloy na PBA Philippine Cup, ginanap kamakailan sa Smart Araneta Coliseum.

Pinangunahan ng rookie standout na si JB Bahio ang panalo ng NLEX matapos magtala ng 13 puntos at 12 rebounds—isang double-double na nagpamalas ng kanyang potensyal bilang susunod na lider ng koponan.

Maliban kay Bahio, nagpakita ng balanseng opensa at matatag na depensa ang buong koponan ng NLEX, dahilan upang makuha nila ang kanilang ikalawang sunod na panalo (2-1 record), kapantay ng San Miguel Beermen sa standings.

Kasunod nila ang Magnolia Hotshots, na kasalukuyang nasa tuktok ng team standings na may 3-0 kartada.

“Unti-unti na nating nakikita ang chemistry ng team. Proud ako sa ipinapakita ng mga players at naniniwala akong nasa tamang direksyon kami,” ani Coach Jong Uichico, head coach ng NLEX.

Samantala, inanunsyo ni PBA Commissioner Willie Marcial na malabo nang matuloy ang PBA Season 49 All-Star Weekend ngayong taon.

Ang orihinal na host venue sa Davao del Norte ay napilitan umanong umatras dahil sa mga isyu ng seguridad, at ang alternatibong petsa para sa Mayo 16–17 ay hindi rin mapupunan ng bagong host.

“Pag umabot na tayo ng Hulyo, Finals na ‘yon—kaya malabo na rin talaga,” paliwanag ni Marcial.

Gayunpaman, tiniyak ng komisyoner na tuloy pa rin ang kontribusyon ng liga sa Players’ Trust Fund, na siyang pangunahing layunin ng All-Star event.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble