SIMULA Disyembre 15, 2022, ipatutupad sa lahat ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang no leave policy sa ilalim ito ng temang Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2022.
Mula dito, tiniyak ng coast guard na magiging ligtas ang publiko sa kanilang pag-uwi sa kani-kanilang probinsiya ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio M. Abu, naka-heightened alert ang nasa 25,000 na Coast Guard personnel mula sa Coast Guard District, Station, at Sub-Station sa buong bansa
“Kapag tayo ay naka-heightened alert, nagtatrabaho tayong lahat. Our personnel are strategically deployed all over the country,” pahayag ni Abu.
Alinsunod naman sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, magkakaroon ng deployment ng mga PCG security personnel, K9 teams, medical officers, at PCG Auxiliary (PCGA) volunteers sa mga paliparan, istasyon ng tren, at kalsada.
Ipatutupad ito dahil na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga tao pantalan, passenger terminal at iba pang transportation hub.
“The Coast Guard is everywhere. The Coast Guard is anywhere. Kung saan kailangan ang serbisyo ng Coast Guard, nandoon po tayo,” ayon kay Abu.
Batid ng Philippine Coast Guard na bahagi ng kanilang sinumpaang tungkulin ang isakripisyo ang kanilang bakasyon sa Pasko para sa kaligtasan ng publiko.
Kasabay nito ang paalala sa mga pasahero at may-ari ng mga sasakyang pandagat na ayusin at planuhing mabuti ang mga lakad at paglalayag sa karagayan upang maiwasan ang aksidente sa dagat.
“We will also be reminding shipowners to ensure the seaworthiness of their vessels,” ani Abu.
“Pinapaalalahanan din natin yung ating mga kababayan na planuhin nila yung kanilang pagbiyahe para maging safe, convenient, and secure yung pagbiyahe nila. Nandyan ang Philippine Coast Guard to help them,” dagdag aniya.
Tatagal ang no leave policy hanggang Enero 7 taong 2023.