NAGLABAS ang North Korea ng pictorial book ng mga regalo na ibinigay sa dating lider nito na si Kim Jong-il mula sa iba’t ibang lider ng iba’t ibang mga bansa kabilang na ang bola ng basketball na pinirmahan ni dating NBA superstar Michael Jordan.
Ang 216 na libro ay nagpapakita ng mga regalo na natanggap ni Jong-il, ang ama ng kasalukuyang lider ng bansa na si Kim Jong-un.
Sa libro ay makikita ang pinirmahang bola ng basketball na ibinigay ni dating US secretary of state Madeleine Albright sa dating lider na kilalang fan ng basketball nang bumisita ito sa Pyongyang noong Oktubre 2000.
May mga larawan din dito ng regalo mula sa dating Chinese President Jiang Zemin nang bumisita si Jong-il sa China noong taong 2000.
Bumida rin sa libro ang silver teapot set na ibinigay ni Russian President Vladimir Putin nang bumisita ito sa Russia sa sumunod na mga taon.
Mayroon din ditong larawan ng golden lacquered folding screen mula sa kasalukuyang pangulo ng China na si Xi Jinping.
Samantala, wala namang laman ang libro na anumang bagay na nagmula sa South Korea.