ISINAILALIM ang Northern Samar sa state of calamity kasunod sa naging rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC).
Ito ay bilang tugon sa matinding epekto ng malakas na pag-ulan, na nagresulta sa mga pagbaha, at malawak na pinsala sa imprastraktura at mga pananim sa lalawigan ng Northern Samar.
Tinatayang aabot sa 70 porsiyento ng populasyon ng lalawigan na katumbas ng 74,500 na pamilya o 370,000 individuals mula sa 24 na bayan ng lalawigan ang naapektuhan ng kalamidad.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), kabilang sa mga bayan na naapektuhan ng baha sa lalawigan ay ang kabisera ng Northern Samar na Catarman, Catubig, Gamay, Lapinig, Las Navas, Lope de Vega, Mapanas, Mondragon, Pambujan, Rosario, San Roque, Victoria, at Lavezares.
Sa ulat naman ng Philippine National Police (PNP) base sa monitoring ng kanilang municipal police stations, ay kasama rin sa mga binahang bayan ay ang Palapag, Laoang, at Bobon.
Bukod sa mga pangunahing bayan, naapektuhan din ng pagbaha ang dalawang isla na munisipalidad sa Northern Samar— ang Capul at Biri.
Bukod sa Northern Samar, ay isinailalim din sa state of calamity ang bayan ng Jipapad sa lalawigan ng Eastern Samar.
Ang lahat ng 13 bayan ay nakaranas ng malawakang pagbaha simula noong umaga ng Nobyembre 20 na nakaapekto sa kabuuang 2,715 na pamilya o 9,913 indibidwal.