HINDI ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang may kasalanan.
Hindi rin ang mga programa nito ang may kagagawan kung bakit hinatulan ng taumbayan ng sunod-sunod na pagkatalo ang mga grupo o party-list na kilalang kaalyado ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ang paninindigang ito ay galing mismo sa National Security Council (NSC), isa sa mga tagapagtaguyod ng programang binuo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang NTF-ELCAC.
Katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at pulisya, target ng mga ito na wakasan na ang mahigit limang dekada nang pamamayagpag, panloloko, mga pang-aagrabyado at pang-aabuso sa mga inosenteng kabataan at mamamayang Pilipino.
Kaya naman, mula sa dalawang magkasunod na eleksiyon, talo na naman ang “Bayan Muna” Party-list.
Giit pa ng NSC, walang ibang dapat na sisihin ang grupong ito kundi ang kanilang sarili na walang ibang ginawa kundi ang magpakalat ng mga propaganda para linlangin ang publiko.
“Bayan Muna has no one blame for its electoral defeat in the past 2 party-list elections but itself. Instead of shifting the blame to the NTF ELCAC, it should do self-reflection on what it did wrong and why it has lost significant public support in the past several election cycles,” pahayag ni Jonathan Malaya, Assistant Director General, National Security Council.
Hindi na rin pinalad ang mga ibang grupo ng Makabayan Bloc gaya ng Gabriela at ACT Teachers Party-List dahil ayon sa NSC, pagod na ang mga tao sa mga pagkukunwari at mapagpanggap na mga propaganda ng mga grupong ito sa pakikisawsaw sa mga maling ideolohiya at sa mga isyu sa lipunan lalo na sa usaping politikal.
“What is clear is that the usual sloganeering or propaganda no longer works and that the public no longer supports the ideology, issues, and political positions that they stand for,” ani Malaya.
Matatandaang, simula noong itinayo ang NTF-ELCAC ni dating Pangulong Duterte, unti-unting nalagas ang mga makakaliwang party-list na ito sa Kongreso.
Nag-aklas sa galit ang mga tao laban sa kanila dahil na rin sa maraming patunay na ginagamit lang ang mga kabataan at mahihirap na mamamayan sa pansarili nilang interes, lalo na sa pagkamkam ng kaban ng bayan, pagkontrol sa politika at sa kapangyarihan.
Nito lamang nagdaang halalan, bigo na umusad sa listahan ang karamihan sa mga party-list sa ilalim ng Makabayan Bloc gaya ng Bayan Muna, Gabriela at ACT Teachers, at inaasahang hindi na makakaahon pa ang mga ito hanggang sa susunod na mga halalan.