PINASALAMATAN ng Office of the Vice President (OVP) ang ilang mga senador at iba pang tumulong at sumuporta sa tanggapan nang humarap ito sa krisis at kagipitan kamakailan.
Sa mensahe na inilabas ng OVP, nagpapasalamat sila sa mga doktor at lahat ng healthcare personnel na nag-alaga sa mga empleyado ng tanggapan na nangailangan ng tulong medikal partikular na sila Chief of Staff Usec. Zuleika Lopez at Special Disbursing Officer Gina Acosta.
‘’Maraming salamat sa mga doktor at lahat ng healthcare personnel na walang pahinga sa pagsiguro na maayos ang kalagayan ng mga kawani ng Office of the Vice President (OVP) na nangailangan ng tulong medical,’’ ayon sa Office of the Vice President.
Pinasalamatan din ng OVP ang mga abogado na 24 oras na nagbabantay sa posibleng mangyari sa kanilang empleyado na nangangailangan ng tulong-legal.
‘’Salamat din sa mga abogado na 24 oras na nagbantay sa posibleng mangyari sa mga empleyado na nangailangan ng tulong-legal,’’ saad nito.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang tanggapan ni Vice President Sara Duterte sa mga senador kabilang sina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, Senator Bong Go, at Senator Imee Marcos.
Kinilala rin ng OVP ang mga miyembro ng media na tuloy-tuloy anila na pagsisiwalat sa kalagayan ng bansa.
Matatandaan na nitong nakaraang linggo ay humarap sa panggipit ang OVP mula sa Kamara na ayon kay VP Sara ay isang political harrassment.