OFW na nasawi dahil sa lindol sa Myanmar nailibing na

OFW na nasawi dahil sa lindol sa Myanmar nailibing na

PERSONAL na dumalo at nakiramay si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa pamilya ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Francis Aragon sa kanilang huling pamamaalam ngayong araw Mayo 28 sa Sto. Rosario Memorial Park sa Binangonan, Rizal.

Si Aragon ay kabilang sa mga Pilipinong nasawi nang gumuho ang Sky Villa Building matapos tumama ang magnitude 7.7 na lindol sa Mandalay, Myanmar noong Marso 28, ngayong taon.

Sa naitulong ng Philippine Embassy sa Yangon at ng Migrant Workers Office sa Bangkok, naiuwi sa Pilipinas ang kaniyang labi noong Mayo 24.

Naiwan ni Aragon ang kaniyang maybahay na si Mae Kathleen Aragon at ang kaniyang dalawang anak. Saad ng mga nakakakilala kay Aragon at ng kaniyang pamilya—mabait, matalino, masayahin si Aragon at malaki umano ang naiambag nito sa larangan ng edukasyon.

Nagpahayag ng pakikiramay si Secretary Cacdac at tiniyak nito sa pamilya Aragon ang lahat ng pangangailangang tulong at suporta mula sa pamahalaan.

Samantala, matatandaan na noong Abril 12, bumisita ang kalihim sa pamilya at inatasan ang Regional Office sa Region 4-A na tiyakin ang tulong na ibibigay kabilang na ang gastusin sa burol at libing.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble