SUMALUBONG kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (PBBM) ang masigabong palakpakan at hiyawan nang makipagkita ito sa Filipino community mula Belgium at ibang karatig bansa sa Europa.
Bago magsimula ang ASEAN-EU Summit, ang pagbati sa mga overseas Filipino worker (OFW) ang unang schedule ng Pangulo.
“Sabi ko sa inyo, ito talaga ang pinakamasayang pinupuntahan namin dahil mas masaya sa lahat ang mga Pinoy na makita, lalong-lalo na kayo ‘yung matagal nang nagtatrabaho sa labas, nagtatrabaho sa abroad,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Mahigit limang libo ang mga Pinoy sa Belgium kung saan mayorya sa bilang na ito ay domestic workers.
Number of Filipinos in Belgium:
Permanent Migrants: 3,984
Irregular / Undocumented Migrants: 1,663
Total:5,647
Source: Office of the Press Secretary
Kaya sa nakatakdang pulong ni PBBM kay King Philippe ng Belgium, taas noo raw na ipagmamalaki ng Pangulo ang ambag ng OFWs sa pagpapabuti ng relasyon ng dalawang bansa.
“On this visit, I will have a Royal Audience with King Philippe, and I will be happy to share with him that the Philippines and Belgium have just commemorated 76 years of bilateral relationships this year. Our relations remained strong and vibrant at malaki po ang itinulong ninyo diyan,” ayon sa Pangulo.
Pagmamalaki pa ng Pangulo, naging maganda ang trato sa mga Pinoy sa Europe dahil sa magandang pag-uugali na ipinakita ng mga OFW.
“Kaya’t maganda ang trato sa atin, maganda ang paningin sa atin ng lahat, ng Belgium, lahat, ng Poland, Italy, Germany ay dahil nga sa inyong magandang trabaho na ipinakita at ugaling pinakita ninyo sa inyong mga naging kaibigan dito. Kaya’t matibay ang ating pagsasama sa ating mga iba’t ibang partner na bansa,” ayon ni Pangulong Marcos.
“Kami ay natutuwa kapag pinag-uusapan ang bansa natin lalong-lalo na ang ating mahal na Pangulo sa kanyang mga effort na po-process sa mga isyu ng kasalukuyang pagpunta niya dito sa Belgium,” pahayag ni Quennie Laude, Vice Chairman ng Diversity & Solidarity Europe.
Sa kanyang working visit sa Brussels, dadalo ang Pangulo sa iba’t ibang aktibidad kasama ang iba’t ibang EU heads of states.
Sa roundtable discussions, iimbitahan ni PBBM ang EU counties na maglagak ng investment sa Pilipinas.
“We do this with the leaders of several EU countries and institutions with the aim of further enhancing our bilateral relations and bringing more investments to the country,” ayon sa Pangulo.
Layon naman ng Pangulo na mapadami ang oportunidad sa Pilipinas para hindi mapilitang mangibang bansa ang mga OFW.
Hanggang Disyembre 14 mananatili sa Brussels ang Pangulo para sa iba’t ibang aktibidad ng ASEAN-EU Summit.