PABOR ang Bureau of Immigration (BI) na magkaroon na ng one-stop-shop para sa pagproseso ng mga special flights o mga private aircraft na umaalis at pumapasok ng bansa.
Ito ay upang matiyak na walang human trafficking sa mga paliparan sa Pilipinas.
Nagpaliwanag ang BI kung paano dumadaan sa proseso ang mga sakay ng bawat indibidwal sa mga special flights kasunod sa naiulat sa umano’y human smuggling sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan.
Nanindigan ang BI na wala silang nakikitang suspetsa ng pagproseso ng pag-alis ng mga sakay ng private jet sa NAIA papuntang Dubai noong February 13 ng gabi.
Ayon kay Dana Sandoval, ang tagapagpagsalita ng BI, sa kanilang ginawang imbestigasyon ay agad ipinatawag ni BI Commissioner Norman Tansingco ang Immigration officer na kabilang sa nagsuri sa mga pasahero ng naturang jet.
Aniya naipakita ng Immigration officer na dumaan sa tamang proseso ang mga sakay ng private jet.
Kinumpirma rin si Sandoval na 10 indibidwal ang nasa loob ng eroplano na kinabibilangan ng 7 pasahero at 3 flight crew ng eroplano.
Aminado rin si Sandoval na hindi pangkaraniwan ang naiulat ng PNP-Aviation Security Group na 6 lamang ang nakasulat na pasahero sa exit clearance.
Matatandaan sa isinagawang Senate Blue Ribbon Committee na binigyang-diin ni Senator Grace Poe na 6 lamang ang nasa listahan ng PNP exit clerance habang nadagdagan naman ito ng isa sa general declaration form.
Paliwanag ni Sandoval, hindi lang ito nangyayari sa special flights kundi maging sa regular commercial flights.
Giit din ni Sandoval, magkakaroon din sila ng imbestigasyon kasunod sa naiulat na may mystery Immigration officer umano na nag-escort sa mga pasahero ng private flight kung saan hindi naman ito ang nakatalaga sa special flight at kung aniyang may makitang paglabag sa Immigration policies, haharap ito sa administrative sanctions.
Nilinaw rin ng opisyal na hindi lamang ang BI ang nakatalaga at nagpupunta sa inspection ng mga private aircraft para magbigay ng clearances kundi marami ding government agencies ang nagpoproseso nito sa mga special flight.
Nandigan din ang BI na wala silang nakikitang discrepancy sa clearance form sa parte ng kanilang ahensya.