BINALAAN ni House Speaker Martin Romualdez ang mga nagmamanipula ng presyo ng sibuyas at bawang para tumaas ang bentahan sa merkado na kagagawan ng mga unscrupulous traders at hoarders.
Ayon kay Romualdez, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa mga nasabing indibidwal na nasa likod ng artipisyal na kakulangan ng suplay.
Inatasan na rin ni Speaker Romualdez ang House Committee on Agriculture and Food na magsagawa ng imbestigasyon at kung may sapat na ebidensiya ay magsasampa ng kaukulang kasong kriminal.
Ani Romualdez, ang ginagawang ito ng mga trader at hoarder ng sibuyas at bawang ay isang pananabotahe sa ekonomiya ng bansa.
Ayon pa dito, pag-aaralan ng house of representatives panel na irekomenda kay Pangulong PBBM ang calibrated importation ng sibuyas at bawang.
Napakahalaga rin aniya na ang ginagawang pag-aangkat ay maayos upang hindi maapektuhan ang kabuhayan ng mga local farmers at dapat ay araw-araw ang pagsubaybay sa suplay ng sibuyas at bawang sa mga lokal na pamilihan.