NAGSAGAWA ng walk-through ang mga opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) sa kanilang National Technical Support Center sa Parañaque Integrated Exchange (PITX) na mag-o-operate simula sa Mayo 2 hanggang sa matapos ang eleksiyon.
Ang hitsura nito, katulad ng isang call center na may mga monitor at cubicle.
Ang mga technical agent, tuloy-tuloy sa kanilang training at nagsasawa na ng simulation call.
Tatanggap ito ng mga tawag para lamang sa mga technical concern sa mga gagamiting makina sa May 12 elections.
Puwede itong tumanggap ng tawag mula sa mga basic hangang sa major technical issues na hindi mare-resolba sa presinto.
Ito rin umano ang tatayong technical center sa online voting.
Magde-deploy aniya ng mga technician sa iba’t ibang lugar o kada presinto.
Sila ang tatawag sa National Technical Support Center (NTSC) sakali’t magkakaroon ng technical problem sa kanilang mga area.
Ang mga masisirang makina, kailangan aniya idiretso sa kanilang repair hub.
Paglilinaw lang ng poll body, hindi lahat ng problema na mangyayari sa halalan ay pwedeng itawag sa NTSC.
Samantala, ilang araw na lang ay boboto na ang mga Pinoy sa abroad.
Sa Abril 13 o sa darating na linggo, simula na ng botohan sa pamamagitan ng internet sa 77 post.
Ang mga rehistradong botante sa ibang bansa, kailangan munang magpa-enroll bago tuluyang makaboto online.
Mga nagpa-enroll sa online voting, nasa 36,000 na—COMELEC
Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, nasa 36,000 na overseas voters na aniya ang nagpa-enroll sa kanilang portal.
COMELEC, iniisa-isa ang mga dahilan kung bakit hirap ang ibang overseas voters
Nilinaw naman ni Garcia na posibleng nahirapan ang ibang botante na mag-enroll dahil sa kanilang lokasyon at mahinang internet connection.
Ang iba naman aniya ay maaaring hirap magpa-enroll sa Online Voting and Counting System (OVCS) dahil hindi sila mga rehistradong botante.
Samantala, nilinaw ng poll body na walang data breach sa sistema ng online voting sa kabila ng 70,000 hacking attempts na kanilang natanggap.