Operasyon ng mga paliparan malapit sa Mt. Kanlaon nananatiling normal—CAAP

Operasyon ng mga paliparan malapit sa Mt. Kanlaon nananatiling normal—CAAP

EPEKTIBO mula alas-10:14 ng umaga ng Mayo 14 hanggang alas-9:00 ng umaga ng Mayo 15 ang Notice to Airmen (NOTAM) na inilabas ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP). Sakop nito ang mga flight sa paligid ng Bulkang Kanlaon mula surface level hanggang 11,000 feet.

Ayon kay Eric Apolonio, tagapagsalita ng CAAP, mahigpit na pinapayuhan ang mga airline operator at piloto na iwasan ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa peligrong dulot ng volcanic ash na maaaring makasira sa aircraft engine at sistema nito.

“Standard procedure naman ‘yan ng mga air carrier, na kapag meron talagang ganyan NOTAM, lumalayo talaga sila.”

“Puwede din sila mag-reroute or lumihis, depende kasi ‘yan sa weather. Nakikita naman ‘yan sa advisory ng mga airlines,” saad ni Eric Apolonio, Spokesperson, Civil Aviation Authority of the Philippines.

Dagdag ni Apolonio, nitong Martes ay umabot sa 57 ang mga kanseladong biyahe patungo at pabalik ng Bacolod at Iloilo dahil sa posibleng ash cloud coverage.

Ngayong Miyerkules, walang naitalang kanseladong flights ang Philippine Airlines at AirAsia Philippines, pero may anim na kanseladong biyahe ang Cebu Pacific:

Cebu Pacific Cancelled Flights – Mayo 14, 2025
• DG 6416/6417: Cebu – Iloilo – Cebu
• 5J 243: Hong Kong – Iloilo
• 5J 468: Iloilo – Manila
• 5J 473/474: Manila – Bacolod – Manila

Tiniyak ng CAAP ang mahigpit na koordinasyon sa mga ahensiya upang masubaybayan ang sitwasyon at matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero. Pinapayuhan ang publiko na manatiling nakatutok sa updates ng airline providers para sa real-time na impormasyon.

“Mag-coordinate lang po kayo sa mga airlines. Sa isyu naman ng compensation, sa Civil Aeronautics Board ‘yan. Sila ang nakakaalam kung paano kayo mabibigyan ng compensation kung sakaling maabala kayo,” dagdag ni Apolonio.

DMW, nakahandang tumulong sa mga OFW na maaapektuhan ng pagsabog ng Mt. Kanlaon

Nakahanda ang Department of Migrant Workers (DMW) na tulungan ang mga OFW na maaapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, basta’t kapakanan ng mga OFW ang usapin, laging nakaalalay ang ahensiya lalo sa panahon ng sakuna o kalamidad. Katuwang ng DMW ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pagbibigay ng hotel accommodation at rebooking ng mga ticket ng mga stranded na pasahero.

“Kung may apektadong OFW doon sa locality, katuwang din natin ang OWWA. Ang OWWA kasi may calamity fund din for OFWs’ families affected, and then hanggang dito sa airport, may assistance din doon sa mga cancelled flight, kailangan ng tulong, accommodation, etc,” ani wika ni Sec. Hans Leo Cacdac
Department of Migrant Workers.

“For every regional office natin, mayroon tayong 60 regional offices nationwide. Mayroon tayong tinatawag na International Airports, at bawat International Airport meron tayong MWAAC—Migrant Workers Assistance Actions Center. So dito sa lugar na ito, mayroon tayo at sinisigurado natin na, number one, nagmo-monitor po sila,” saad ni Usec. Bernard Olalia, Department of Migrant Workers.

Habang patuloy ang aktibidad ng Bulkang Kanlaon, nakaalerto ang mga ahensya ng pamahalaan—mula sa seguridad sa himpapawid hanggang sa tulong sa mga OFW. Paalala ng mga awtoridad: manatiling kalmado, sumunod sa abiso, at mag-monitor sa opisyal na anunsiyo para sa inyong kaligtasan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble