WAGI bilang No. 1 Box Office sa South Korea ang pelikulang “Oppenheimer” ni Christopher Nolan.
Ang pelikulang “Oppenheimer” ay ipinalabas sa South Korea noong Agosto 15 bilang pagdiriwang ng National Liberation Day of Korea nang lumaya ito mula sa pananakop ng Japan.
Ang “Oppenheimer” ay nakapagbenta ng 552,958 tickets noong Agosto 15 at nakakuha ng $4.3-M gross income na may daily revenue share na 44.21 porsiyento.
Sa nakalipas na limang taon, ang “Oppenheimer” ang nakakuha ng pinakamataas na total admissions sa opening day matapos nitong malampasan ang “Fast & Furious Presents: Hobbs & Shaw” noong 2019 na nakapagbenta ng 551,246 tickets.
Pinalitan ngayon ng “Oppenheimer” ang nangungunang pelikulang “Concrete Utopia” na nakapagbenta na ng 2.13 million tickets simula nang ipinalabas ito noong Agosto 9.
Kabilang sa iba pang nangungunang pelikula na ipinalabas sa South Korea na naungusan ng “Oppenheimer” ay ang “Tenet”, “Dunkirk”, “Interstellar”, at “The Dark Knight”.
Samantala, ang “Oppenheimer” ang pinakamataas na record ng opening day ni Nolan sa kaniyang mga pelikulang ipinalabas sa South Korea.