Overseas online voting umarangkada sa Canada; PH Consulate, nanguna sa voter education

Overseas online voting umarangkada sa Canada; PH Consulate, nanguna sa voter education

SA pagsisimula ng overseas online voting para sa halalan sa Pilipinas, nagtipon-tipon ang mga Pilipino sa Earl Bales Park sa Toronto upang gampanan ang kanilang tungkulin sa bayan.

Mula sa iba’t ibang bahagi ng Canada at maging sa Amerika, dumalo ang mga kababayan upang tiyakin na maririnig ang kanilang boses sa nalalapit na eleksiyon.

Personal na dumalo sina Deputy Consul General Kerwin Orville Tate at Consul RJ Sumague ng Philippine Consulate upang ipaliwanag ang proseso ng pagboto at hikayatin ang mas marami pang overseas Filipinos na lumahok sa halalan.

Layon ng kampanya na palakasin ang partisipasyon ng mga Pilipino sa ibayong dagat at tiyaking nagagamit nila ang kapangyarihang mamili ng mga susunod na lider ng bansa.

“Ang ating overseas voting ay nagsimula nung April 13 hanggang May 12 so kami sa Philippine Consulate tuloy-tuloy ang information campaign upang malaman ng ating mga kababayan kung ano ba ‘yung mga proseso, kung ano ba ‘yung mga kinakailangan para po sa ating overseas voting system. So ngayon kami ay natutuwa at ngayon dito sa Earl Bales Park marami sa ating mga kababayan na aktibong nakilahok at nalaman, nagtanong sa mga impormasyon para sa ating overseas voting system,” wika ni RJ Sumague (Consul).

“Kaya po importante na ‘yung mga kailangang malaman, ‘yung mga impormasyon pati na ‘yung listahan ng mga overseas voters, ipamahagi po namin sa ating community para lahat makalahok sa halalang ito. Importanteng-importante po ito kasi ito po ang pagkakataon natin ibahagi at iparinig ang ating boses through our votes,” saad ni Kerwin Orville Tate (Deputy Consul General).

“Nagpapasalamat po ako sa mga kababayan natin na nagpunta ngayon para po magpa-check, magpa-enroll at makaboto po. ‘Yung experience po nakakatuwa po. Marami po sa ating mga kababayan ang talagang eager na eager na makaboto, maipakita nila ang kanilang mga rights to vote. Sana po ‘yung iba pa po nating mga kababayan maging ganoon din po,” ayon kay Jane Ranga.

Ilan sa mga dumalo ay hindi na nag-aksaya ng pagkakataon at agad na nakaboto sa mismong araw ng selebrasyon. Isa itong patunay ng kanilang determinasyong maging bahagi ng makasaysayang halalan.

Kabilang sa mga nakiisa ang iba’t ibang Filipino communities sa Canada, kabilang na ang Ilonggo community, na buong puso ring tumugon sa panawagan para sa aktibong partisipasyon sa eleksiyon.

“Here in Canada or abroad, wala namang bentahan dito. Bakit kailangan pa ‘yon? Why we could be just get information as soon na magkaroon tayo ng resibo. Just like na pagboto natin dito, when you vote here, malalaman mo na within several hours of the same day, malalaman na resulta ng boto,” ani Jun Calagio.

“Para sa akin, hindi ko ito isusugal. Bumoto ako dahil karapatan ko ‘yun. Pinapanalangin ko na sana, sana naman, ‘yung boto namin pumupunta doon. Ipinagsisigawan ko, Duterte kami. Para na kong naiiyak pero hindi. Sana naman yung boto namin ay mapabilang doon sa tamang pamamaraan,” wika ni Elvira Dela Cruz Castillo.

Sa kabila ng nanunuot na lamig ng panahon, dama ang init ng pagtanggap ng mga Pilipino sa parehong selebrasyon at tungkuling sibiko. Isang malinaw na patunay na buhay na buhay ang pagkakaisa at diwa ng demokrasya sa puso ng bawat Pilipino, saan mang sulok ng mundo sila naroroon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble