NAGBIGAY ng ilang detalye ang Department of Budget and Management (DBM) kaugnay ng panukalang 2025 National Expenditure Program (NEP) na nagkakahalaga ng P6.325-T.
Sa Palace briefing nitong Huwebes, ibinahagi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na sa Office of the Vice President (OVP), may nakalaan na P2.037-B na kabuuang badyet ang tanggapan sa ilalim ng 2025 NEP.
“Ang total budget po niya for next year sa NEP po is P2.037-B, P188.5-M is allocated for personal services, P1.79-B for maintenance and other operating expenses and P56-M for capital outlay,” ayon kay Sec. Amenah Pangandaman, DBM.
Gayunpaman, pagdating sa confidential and intelligence funds (CIFs), sinabi ni Pangandaman na walang hininging badyet ang OVP para dito.
“Sa CIF po, wala pong CIF ang Office of the Vice President. I think, hindi rin po siya nag-request ng CIF,” ani Pangandaman.
Matatandaang sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi na igigiit ng kaniyang opisina ang confidential fund dahil ito ay magdudulot lamang ng pagkakahati-hati o pagkakawatak-watak sa bansa.
Bilang bise presidente, may sinumpaan si VP Duterte sa mga Pilipino na pananatilihing mapayapa at matatag ang Pilipinas.
Nabatid na bumaba ng 16% ang kabuuang confidential and intel funds para sa susunod na taon.
Travel funds ng Office of the President sa panukalang 2025 national budget, umaabot sa P1.054-B
Samantala, pumalo sa P1.054-B ang proposed allocation para sa travel expenses sa ilalim ng Office of the President.
Ito ay P94-M o 8% pagbaba kumpara sa P1.148-B alokasyon sa 2024 General Appropriations Act (GAA).
“Siguro, kung makikita po natin dito sa proposal nila siguro may nabawasan po silang travel both local and foreign. Parang na-explain ko naman po dati together also with DTI and kami rin po sa economic team – we still continue to go out and parang kumbaga we market the Philippines as an investment destination – tuluy-tuloy po iyan,” ani Pangandaman.
Mababatid na kaliwa’t kanang batikos ang natanggap ng administrasyon dahil sa sunud-sunod na biyahe abroad ng presidente kasama ang delegasyon nito.
Marami umano sa mga Pilipino ang nagsasabing hindi nila ramdam ang ipinangakong magandang hatid ng mga naiuwing investment pledges mula sa foreign trips na ito.
Budget spending o paggasta ng pondo sa mga ahensiya ng gobyerno, tumaas ayon sa DBM
Sa kabilang dako, iniulat naman ng DBM na tumaas ang budget spending o paggamit at paggastos ng pondo ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa unang semester ng 2024.
Inilahad ng DBM principal economist na si Joselito Basilio na 14% mas mataas ang actual spending ng gobyerno ngayong taon kumpara noong 2023.
“Iyong releases have been around P24.6-B than programmed – so, that means may mga na-accelerate tayong mga programa and projects na siyang nasimulan nang mas maaga ngayong taong ito,” ayon kay Joselito Basilio, Principal Economist, DBM.
Kabilang sa mga tinukoy na may pagtaas ng budget utilization ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of National Defense (DND), Department of Social Welfare and Development (DSWD) gayundin ang Commission on Elections (COMELEC).
“DPWH has its road network infrastructure program. Mas naging mabilis sila this first semester – ang isa sa mga reason ay nagko-conduct sila ng early procurement activities – Department of National Defense, had a bigger spending for its modernization program; iyong sa 4Ps ng DSWD, mas maganda iyong naging proseso. Comelec have also started its spending activities in preparation for the local and national elections for next year,” giit pa nito.