INIHAYAG ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na bibigyan nila ng hero’s welcome ang pagdating ng labi ng overseas Filipino worker (OFW) na pinatay sa Saudi Arabia.
Kinumpirma ni OWWA administrator Arnel Ignacio na hanggang ngayon nagluluksa pa rin ang employer ng yumaong OFW na si Marjorette Garcia.
Sa isang press conference, aminado si Ignacio na si Garcia, ay isang halimbawa ng OFW na ibinigay ang kaniyang buhay para maglingkod nang buong puso sa kaniyang amo.
Ang kaniyang maagang kamatayan ay nagpapakita ng kahalagahan ng konsepto ng “Bagong Bayani,” isang sakripisyo na kailangang gawin ng isang Filipino upang magtrabaho abroad para matustusan lamang ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Binibigyang-halaga rin ni Ignacio ang kahulugan ng pagiging “Tunay na Bayani” na ang ibig sabihin ay ang pagtra-trabaho sa ibang bansa ng ating mga kababayang OFW na may puso at pagkalinga sa kanilang amo sa pamamagitan ng walang pag-aatubiling paglilingkod anumang oras at sa lahat ng pagkakataon kagaya ni Marjorette.
Si Garcia na isang 32-taong gulang na OFW na pinatay sa pamamagitan ng pagsaksak ng kaniyang katrabaho na Kenyan sa Al Khobar, Saudi Arabia, ayon sa ulat ng Saudi Police noong Setyembre.
Bilang pagpupugay kay Marjorette Garcia, ang OWWA ay nangangakong magbigay ng parangal at titiyakin na ang kaniyang pamilya ay makatatanggap ng buong benepisyo at nararapat na suporta.
Nakausap na rin ni Ignacio ang ina at asawa ng yumaong OFW.
Samantala, para naman kay OFW Party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, dapat palakasin pa ang bilateral agreement sa pagitan ng Pilipinas at ng Kingdom of Saudi Arabia upang hindi na paulit-ulit ang ganitong uri na sinasapit na trahedya ng mga OFW.