MAAASAHAN na ng mga residente ng Brgy. Capitulangan ang matagal na nilang inaasam-asam na mga proyekto mula sa gobyerno ngayong aprubado na ang inilaang pondo para dito.
Sa talumpati ni Gingoog City Mayor Erick Cañosa, aprubado na ang P1.5–M budget allocation para sa brgy. hall at covered court ng Brgy. Capitulangan.
Ani Cañosa, itatayo ang nasabing brgy. hall at covered court sa mismong paaralan ng nasabing barangay upang magamit ng mga residente sa anumang mga aktibidad na gagawin.
Magpapatayo rin ng water reservoir sa nasabing barangay na mayroon ding budget allocation na P1.5-M.
Paliwanag ni Cañosa, sa nagpapatuloy na ginawa nitong ‘Halad Pangalagad Program’ sa ilalim ng kaniyang administrasyon ay halos patapos nang nahatiran ng serbisyo ang lahat ng barangay ng Gingoog lalo na ang nasa liblib na lugar upang mapaabot ang nararapat na tulong mula sa gobyerno.
Nangako rin si Cañosa, na mas lalo pa nitong pag-iibayuhin ang pagbibigay ng serbisyo para sa mamamayan ng Gingoog sa abot ng kaniyang makakaya.
“Tayo ay masayang ipaalam, na halos lahat ng barangay sa siyudad ng Gingoog ay atin nang napuntahan, lalo na ang nasa liblib na mga barangay. Ganito ang serbisyong may pag-asa, kasama si Governor Peter ‘Sr. Pedro’ M. Unabia,” pahayag ni Mayor Erick Cañosa-Gingoog City.
Ayon pa sa alkalde, asahan na magpapatuloy ang proyektong ‘Halad Pangalagad’ ng pamahalaan ng Gingoog sa susunod pang mga araw.