P1-B fuel subsidy, ipamamahagi ng LTFRB nang direkta sa mga tsuper

P1-B fuel subsidy, ipamamahagi ng LTFRB nang direkta sa mga tsuper

GUMAGAWA na ng paraan ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) upang maidirekta na maipamigay sa mga jeepney drivers at hindi sa mga operators ang fuel subsidy.

Kaugnay sa hiling ng isang transport group na ibigay ng direkta sa mga PUV drivers ang fuel subsidy na mula sa gobyerno, ay isinasapinal na ng LTFRB ang magiging mekanismo ng pamamahagi ng fuel subsidy sa mga PUV drivers.

Ayon kay LTFRB Chairperson Martin Delgra III, inihahanda na nila ang pondo na kukunin sa Department of Budget and Management (DBM)  upang maibaba ito sa mga benepisyaryo.

Ito aniya ay isang beses lamang ibababa at idadaan sa Pantawid Pasada cards.

Gumagawa na rin ng paraan ang LTFRB upang maidirekta na maipamigay sa mga jeepney drivers at hindi sa mga operators ang fuel subsidy.

“We are looking at ways by which maibaba din at magagamit mismo ng mga tsuper, kung saan sila po iyong bumibili ng krudo, lalung-lalo na iyong tinatawag nating mga traditional jeepney na iyong mga tsuper ay bumibiyahe sa ilalim ng tinatawag na boundary system. So sila po iyong gagamit, iyong mga tsuper ang gagamit, kasi sila po iyong bibili ng krudo sa gasolinahan po,” pahayag ni Delgra.

Matatandaan na noong 2018 ay ginamit na rin ang Pantawid Pasada cards ngunit dumaan muna ito sa mga operator bago matanggap ng mga tsuper.

Ang fuel subsidy na ipamamahagi ay mula sa P1-B pondo ng gobyerno bilang ayuda sa mga apektado ng sunod-sunod na oil price hike.

70% capacity sa mga pampublikong transportasyon, malaking tulong sa mga tsuper at pasahero

Samantala ayon sa Department of Transportation (DOTr), malaking tulong naman ang 70% capacity hindi lang sa mga tsuper kundi pati na rin sa mga pasahero.

Aniya, ito ay para matugunan ang lumalaki ring pangangailangan ng mga pasahero lalo’t marami nang pumapasok sa kani-kanilang mga trabaho kasabay ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya.

“Dahil unti-unti nang nagbubukas ang ating ekonomiya, tumataas na rin ang pangangailangan ng mga pasahero mula sa pampublikong sasakyan, hindi lamang sa kalsada kundi maging sa riles,” pahayag ng ahensiya.

Ang pagtaas ng seating capacity ay malaking tulong rin daw sa mga tsuper at operator upang madagdagan muli ang kanilang mga kita.

“Inaayos pa po natin iyong mga preparasyon kasama na po iyong konsultasyon sa ating mga public transport operators and drivers para maikasa at mai-prepare po natin ng maayos sa pagsisimula ng pagtaas ng passenger capacity na ito. Magsisimula po ito sa Metro Manila muna and then eventually we will determine and approve the increase in passenger capacity sa ibang rehiyon ng bansa po,” ayon kay Delgra.

Simula sa Nobyembre 4, papayagan na ang 70% capacity sa mga PUV sa NCR, Bulacan, Laguna, Rizal at Cavite.

Kabilang dito ang mga bus kung saan papayagan ang standing passengers o mga nakatayo.

Apat hanggang limang pasahero naman maaaring idagdag sa mga moderno at traditional jeepneys.

Sa mga tren naman gaya ng LRT-1, LRT-2, MRT at PNR ay madagdagan rin ang maaaring sumakay.

SMNI NEWS