P1-K multa sa riders na sumisilong sa flyover, overpass tuwing umuulan, inalmahan ng 1-Rider Party-list

P1-K multa sa riders na sumisilong sa flyover, overpass tuwing umuulan, inalmahan ng 1-Rider Party-list

INALMAHAN ng 1-Rider Party-list ang ipinapatupad ng MMDA na P1-K multa sa mga motorcycle rider na sumisilong sa overpass o flyover tuwing umuulan.

Sa kuha ng CCTV ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa bahagi ng EDSA Cubao nitong Agosto 1 ng 6:30 ng umaga, tatlong linya sa north bound lane ang sinakop ng mga naka-motor na sumisilong sa footbridge habang bumubuhos ang ulan.

Ayon sa MMDA, bukod sa nagdudulot ng pagsisikip ng trapiko ay peligroso rin ito.

Simula ngayong buwan ng Agosto ay pagmumultahin na ang mga motorcycle rider na mahuhuling sisilong sa ilalim ng mga tulay, footbridges, at MRT Stations kapag umuulan.

Puwede aniyang sumilong saglit para magsuot ng kapote pero kailangan umalis agad.

Sa ilalim ng single ticketing system, P1,000 ang multa sa mga lalabag sa obstruction.

“Minonitor naman po natin sa ating CCTV cameras kung sino lang ang ‘yung talagang bumabad na ayaw umalis. So ‘yun po ‘yung ating hinuli. The rest naman po ni-remind po lang po natin at pinagsuot ng kapote then pinaalis. Kaya konti lamang po (ang hinuli). Soon magiging strict na kami,” ayon kay Atty. Don Artes, MMDA Acting Chairman.

Samantala, umalma ang 1-Rider Party-list.

Sa isang privilege speech, tinawag ni 1-Rider Party-list Congressman Bonifacio Bosita na hindi makatao ang naturang patakaran ng MMDA.

“Sinasabi po nating hindi serbisyo kundi perwisyo ang ipinatutupad ng pamunuan ng MMDA dahil itinutulak nila sa kapahamakan ang mga riders na walang kapote sapagkat bibilisan nila ang pagpapatakbo ng motorsiklo kapag naabutan sila ng ulan para sumilong sa gasolinahan,” ayon kay Cong. Bonifacio Bosita, 1-Rider Party-list.

“Na hindi naman po natin pinagbabawalan na sumilong para magbihis then umalis. Ang pinagbabawal lang po natin ay ‘yung gumitna sa lansangan at maghintay tumila ng ulan. Kahit po ‘yung sa pagsusuot ng rain gear or kapote dapat po nasa gilid and mabilis lang,” paliwanag ni Atty. Don Artes.

Sinagot din ni Cong. Bosita ang Facebook post ni Chairman Artes na makikita ang mga motorcycle rider na nakaharang sa daan.

“Paglilinaw po noh, ‘yun pong pagtigil ng mga kapatid natin mga riders sa underpass at sa footbridge na sinasabi ni Chairman Artes, very clear ‘yun ay labag sa batas, obstruction. At hindi po natin kino-question si Chairman Artes doon sa punto na ‘yun. Ang sinasabi po natin kay Chairman Artes bilang public servant dapat ang iniisip muna ‘yung solution sa problema,” ani Cong Bosita.

May mungkahi naman ang mga kinatawan ng 1-Rider Party-list upang matugunan ang isyu ng mga rider.

“Meron naman po tayong solusyon na nakikita dito. Isa na dito ‘yung open space sa ilalim ng hagdan ng foot bridge. At maaari itong ilaan nila kung gugustuhin nila. Maliban diyan may mga bakanteng area pa rin na puwedeng i-provide sa mga kapatid nating riders,” ani Bosita.

“So ‘yun lang po ang panawagan namin ay talagang mag-explore po muna sa ibang mga alternative solutions bago natin i-face ‘yung final na po na pagmumulta,” ayon kay Cong. Rodge Gutierez, 1-Rider Party-list.

Una nang sinabi ng MMDA na nakikipag-usap na sila sa ilang mga gas station owner sa EDSA para maglagay ng mga tent na puwedeng silungan ng mga rider kapag malakas ang ulan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble