Tondo, Maynila – Umabot sa ₱101 milyon ang halaga ng kush o high-grade dried marijuana na nasabat ng mga awtoridad sa isang operasyon sa Tondo, Maynila nitong Martes, Abril 29, 2025.
Ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), natagpuan ang limang balikbayan boxes na naglalaman ng 138 heat-sealed transparent plastic bags ng kush, na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 72,000 gramo.
Ang kontrabando ay natuklasan sa isang inabandonang container na dumating mula Thailand, at sinasabing maaaring bahagi ng isang mas malawak na operasyon ng smuggling ng illegal drugs sa bansa.
“Patuloy naming iniimbestigahan kung sino ang tumanggap at ang tunay na sender ng mga kahong ito. Mahigpit na pananagutan ang kahaharapin nila,” pahayag ng tagapagsalita ng PDEA.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang pagpapadala at pagtanggap ng ganitong uri ng droga ay may parusang habambuhay na pagkakakulong at multang umaabot sa ₱10 milyon.
Pinapaalalahanan ng PDEA ang publiko na maging mapagbantay at agad i-report ang kahina-hinalang kargamento, lalo na kung ito ay mula sa ibang bansa.