NAAPRUBAHAN na nang gobyerno ng Japan ang 253.31 bilyong yen o 112.87 bilyong piso na loan ng Pilipinas para sa konstruksyon ng Metro Manila Subway Project.
Ang pagpirma sa loan agreement na ito ay para sa ikalawang tranche ng funds para sa kauna-unahang underground railway na inanunsyo ng Department of Finance.
Naiulat naman na ang ikalawang tranche ng proyekto ay payable sa 27 taon kung saan mayroon pa itong 13 taong grace period para sa kabuuang 40 taong grace period.
Noong Marso 16, 2018, lumagda ang Pilipinas at Japan sa isang financing deal para sa unang yugto ng 104.53 bilyong yen o humigit-kumulang 47.58 bilyong piso na utang para sa subway project, na may kabuuang termino na 40 taon.
Noong Setyembre 23 naman, noong nakaraang taon, pinahintulutan ng National Economic and Development Authority Board ang kabuuang halaga ng proyekto na 488.48 bilyong piso para sa Metro Manila Subway.
Ayon sa DOF, sa time-sliced loan na 370.77 bilyong piso, popondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang 75.9 percent ng proyekto, habang ang gobyerno ng Pilipinas ay magpopondo ng 24.1 percent, o 117.71 bilyong piso.
Ang Metro Manila Subway ay itatayo gamit ang makabagong teknolohiyang Japanese tunneling at tatakbo ng 27.5 kilometro mula Valenzuela City hanggang Bicutan sa Taguig City kasama ang 33.1 kilometrong electromechanical system patungo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City.