P184.1-B, target ilaan ng Marcos administration sa agrikultura sa 2023

P184.1-B, target ilaan ng Marcos administration sa agrikultura sa 2023

PORMAL nang ipinasa ng Budget Department ang kopya ng P5.268 Trillion 2023 proposed national budget sa Kongreso ngayong Lunes.

At sa proposal, malaki ang itataas sa pondo ng agriculture sector ngayong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang tumatayong kalihim ng Department of Agriculture.

Sa national expenditure plan ng pamahalaan, 39.2% ang itataas sa pondo ng agri sector sa 2023 na may P184.1-B mula sa P132.2-B budget ngayong taon.

Kabilang sa spending priorities ang National Rice Program na lalaanan ng P30.5-B.

Irrigation services na P29.5-B at farm-to-market roads na P13.1-B.

“The higher allocation po is because we provided enough funds for the rice program, corn program, fisheries program, and even the high value crops development program,” pahayag ni Sec. Amenah Pangandaman ng Department of Budget and Management.

Number 1 sa 8-point economic agenda ni Pangulong BBM ang pagkakaroon ng food security.

Sa kanyang budget message, giit ng Pangulo na maglalaan ito ng P12-B budget para sa Buffer Stocking Program ng NFA.

Ibig sabihin, bibili ang gobyerno ng maraming reserbang bigas sa local farmers sa 630 million metric tons.

Bukod sa budget para sa farm-to-market roads, may P500-B budget din para sa farm-to-mill roads para sa mga manananim ng tubo.

P29.5-B naman ang pondo sa irigasyon sa ilalim ng National Irrigation Administration na isang attached agency ng Department of Agriculture (DA).

May P5.1-B din para ipaayos ang mga fish port sa bansa.

Maglalaan din ang administrasyon ng P19.5-B fertilizer fund at P5.9-B para sa on-farm and post-harvest facilities and equipment.

May budget naman ang adminsitrasyon para sa pautang sa mga magsasaka at mangingisda.

Sa 2023 proposed budget, P2.8-B ang ilalaan sa Agricultural Credit Policy Council at P4.5-B para sa Crop Insurance Program.

Mayroon ding P1-B budget para sa Fuel Assistance Program.

Samantala, nagisa sa hearing House Blue Ribbon Committee ang dating opisyal ng DA na pumirma sa Sugar Order No. 4 (SO4) para mag-import ng 300,000 metric tons ng bigas.

Ang SO4 ay ibinasura ni Pangulong BBM kahit may pirma ito.

Naunang inamin ni dating Agriculture Usec. Leocadio Sebastian na siya ang pumirma sa SO4 ‘in behalf’ kay PBBM.

“Mr. Sebastian, ‘yun pong direktang pag-konsulta sa Pangulo napakasimple po noon eh. Para wala sanang misunderstanding. Diretso na, kayo po yung undersecretary na dinesignate diyan, isang malaking posisyon na may pagtitiwala. Na kahit na text lang eh. Can we import 300,000 metric tons of sugar? Kasi kulang na kulang na po yun eh. Direkta Mr. Sebastian,” ayon pa kay Rep. Rodante Marcoleta.

Ngunit tumugon naman si Sebastian na wala itong direktang text access sa Pangulo.

 

Follow SMNI News on Twitter