P19.6-M halaga ng cocaine, nasamsam sa NAIA

P19.6-M halaga ng cocaine, nasamsam sa NAIA

NASAMSAM ng mga awtoridad ang mahigit P19-M halaga ng cocaine mula sa dayuhang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nahuli ng pinagsanib na puwersa  ng Bureau of Customs (BOC)- NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA-IATG ang isang American national matapos nagtangka itong mapuslit ang iligal na droga nang dumating ito sa NAIA.

Ayon sa BOC, kinilala ang suspek na si Stephen Joseph Szuhar.

Dumating ang  pasahero na ito mula sa Doha, Qatar na lulan ng Qatar Airways Flight QR 932 kahapon na mula sa Brazil sa orihinal na pinanggalingan.

Isinailalim sa K9, X-ray at 100% thorough physical examination ang bagahe ng pasahero at dito nabatid na may 3.7 kilo ng cocaine na tinatayang nasa P19,610,000 ang halaga.

Isinagawa ang operasyon kasunod ng tip na natanggap ng BOC NAIA at PDEA agents mula sa kanilang mga mapagkakatiwalaang impormante.

Matagal na rin mino-monitor ang pagdating ng dayuhan.

Ayon kay Deputy Tasked Group CMDR Gerald Javier, itinanggi ng dayuhan ang iligal na droga na nakumpiska sa kanyang luggage.

Hindi rin daw tiningnan ng pasahero kung may iligal na droga sa kanyang luggage.

Nagpakuha pa ng wheelchair ang pasahero nang ito ay papalabas ng NAIA Terminal-3.

Sabi pa ni Javier, posibleng strategy lang ng 75 anyos na American national ang pag-wheelchair para hindi na masita.

Nadakip ang suspek dahil sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Drug Act.

Follow SMNI NEWS in Twitter