P19-B halaga ng iligal na droga, sinunog ng PDEA

P19-B halaga ng iligal na droga, sinunog ng PDEA

NASA mahigit 19 na bilyong pisong halaga ng iligal na droga ang sinunog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang pasilidad nito sa Cavite.

Matapos ang sunud-sunod na anti-illegal drugs operations ng PDEA operatives sa iba’t ibang panig ng bansa, naitala rito ang isang record high in volume and value ng iligal na droga partikular na ng shabu na umabot sa mahigit 19 billion pesos.

Isa sa nag-ambag ng malaking halaga rito ay ang raid na ginawa ng joint operation ng PDEA at PNP sa Tondo, Manila.

Ang halos 10 bilyong pisong shabu na nakalagay sa mga maleta, aparador sa isang gusali na pagmamay-ari ni Police Master Sergeant Rodolfo Mayo, Jr.

Huwebes ng umaga March 16, 2023, tuluyan nang winasak ang mga drogang ito sa pamamagitan ng thermal decomposition o thermolysis sa Integrated Waste Management sa Trece Martirez City, Cavite.

Ayon sa PDEA, malaking bagay ito sa tuluy-tuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Muling nilinaw ng ahensiya na wala silang palalampasin sa sinumang babangga sa kanilang kampanya.

Partikular na tinukoy rito ang kontrobersiyal na diumano’y recycling sa iligal na droga sa mga law enforcement agency sa bansa.

Ayon kay Lazo, hindi niya papayagan ito sa ilalim ng kaniyang liderato.

Nauna nang pumutok ang isyu nang ibunyag ni Lazo ang usapin sa hearing sa Kongreso kung saan sinabi nitong may dalawang informants ang nagsabi sa kaniya kaugnay sa kalakaran ng paghingi ng 30 percent share mula sa mga nakukumpiskang iligal na droga mula sa isang lehitimong operasyon.

Ayon sa opisyal, patuloy ang kaniyang panawagan sa dalawang informants na makipag-ugnayan sa kaniyang opisina para maliwanagan sila sa nasabing modus.

Sa ilalim ng 1,000 degrees centigrade, tiniyak ng PDEA na tuluyang mawawasak ang mga droga na ito at hindi na mapakikinabangan pa ng sinuman.

Follow SMNI NEWS in Twitter