SA halip na matamasa ang abot-kayang bigas sa panahon ng matinding kagutuman, tila move out sale o bargain lang ang nauwiang pangakong tulong ng kasalukuyang administrasyon.
Ito ay matapos inanunsiyo ng Department of Agriculture (DA) na ibebenta na lamang sa P20 ang kada kilo ng mga buffer stock na bigas ng National Food Authority (NFA).
Isang huling hakbang umano ng gobyerno upang mailabas sa mga bodega ang libu-libong metriko toneladang lumang bigas na hindi naibenta sa orihinal na presyong P33 sa mga lokal na pamahalaan kasunod ng deklarasyon noon na ‘food security emergency.’
Aabot umano sa 370,000 MT na bigas ang planong ibenta ng DA sa mga LGU hanggang sa Disyembre na pasisimulan sa Visayas sa nalalapit na Mayo 1 at target naman sa Mayo 2 na ibenta ito sa mga Kadiwa store sa Metro Manila.
Nasa 800,000 pamilya umano ang makikinabang sa lumang bigas ng NFA.
Sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., hindi na ito bagong programa kundi ‘last solution’ aniya ng gobyerno dahil hindi tinangkilik ang P33 na bigas na nanganganib na mabulok.
“Sinubukan naming ibenta ng P33 ‘yan hindi naman kumagat kasi bumaba naman ‘yung presyo niyan ng bigas at may mas mababa pa nga sa presyo namin. So, technically you know, in any situation in private industry ang tawag diyan is move out sale or bargain 50% off or 100% off or 30% off call it what you make at least that is the reality, ‘di ba,” pahayag ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. Department of Agriculture (DA).
Aminado pa ang kalihim na ibebenta ang bigas sa paluging presyo dahil mababa ito sa presyong ginastos ng NFA matapos bilhin sa mga lokal na magsasaka hanggang sa pagproseso nito para maging bigas.
Magkano naman kaya ang lugi ng gobyerno sa pagpipilit nilang pagbebenta ng P20 na bigas?
“The P4.5 billion definitely is part of it na tapos dagdag mo pa ‘yung maybe, ‘yung total na kalahati siguro nung binili last year na P9 billion last year sabihin mo na na P10 to P12 billion,” ani Laurel.
Magkakaroon naman aniya ng subsidiya ang gobyerno na nasa P4.5B at ginagawa na rin aniya ito ng ibang bansa gaya ng Indonesia, Malaysia at China.
Ano kaya ang magiging kapalaran ng P20 na bigas ng administrasyon, dahil posible raw itong maudlot dahil wala pang katiyakan kung magsisimula na ngayong linggo ang programa dahil sa isyu ng Commission on Election (COMELEC) exemption.
Hanggang ngayon ay wala pa kasing inilalabas na permiso ang COMELEC at batay sa regulasyon—bawal na ang ayuda simula May 2–12.
Kailangan ding kumuha ng exemption ng mga LGU para makapagbenta ng P20 na bigas sa kanilang mga nasasakupan.
“We might cancel it or just launch it lang as is na we are prepared,” aniya pa.
Oras aniya na mangyari ‘yan, ay posibleng pagkatapos na lamang ng eleksiyon sisimulan ang bentahan ng P20 na bigas.
Ang tanong ngayon, maituturing bang tulong ang P20 na bigas kung huli na itong naipatupad ng gobyerno at bilyun-bilyong piso na ang nalugi sa pondo ng bayan.
Follow SMNI News on Rumble