INAPRUBAHAN na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang dalawang rekomendasyon ng Department of Finance (DOF) kaugnay sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa Palace briefing, sinabi ni Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar na inaprubahan ng Pangulo na panatilihin ang fuel excise tax sa kabila ng mga panawagan na suspendihin ito.
May go signal na rin ni Pangulong Duterte ang pagbibigay ng P200 monthly allowance o ayuda sa mga mahihirap na pamilya sa loob ng isang taon para maibsan ang epekto ng oil price hikes.
Sa Talk to the People, sinabi ni DOF Secretary Carlos Dominguez, III na makaaapekto sa total government revenue ang pag-suspinde sa fuel excise.
Ani Dominguez, nakasaad na sa budget at nakalaan na para sa iba’t ibang expenditures ang estimated tax collection sa taong 2022 na nasa P147-B.
3 buwan na wage subsidy, ipinanukala ng DOLE sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo
Ipinanukala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbibigay ng wage subsidy para sa mga manggagawa sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Iminumungkahi ng DOLE ang wage subsidy na nagkakahalaga ng P24-B na makikinabang sa isang milyong manggagawa.
Ayon kay DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay, ang subsidy ay aarangkada sa loob ng tatlong buwan mula Abril hanggang Hunyo 2022.
Sinabi ni Tutay na kinikilala ng ahensya ang panawagan para sa minimum wage increase dahil sa oil price hike ngunit sinusuportahan din nito ang patuloy na economic recovery efforts ng gobyerno.
Sinabi ng DOLE na hiningi na nila ang pag-apruba ni Pangulong Duterte sa panukala.