NAKUMPISKA ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P2M na preskong mga sibuyas mula China.
Ayon sa BOC, aabot sa 25K kilos na sibuyas ang nakuha ng ahensiya dahil wala itong sanitary and phytosanitary import clearance mula sa Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry (DA-BPI).
Sinabi ng BOC-Port of Manila Office, ang pagkakakumpiska ng naturang produkto ay sumasalamin naman sa pinalakas na pagbabantay ng ahensiya laban sa smuggling.
Ang hakbang ay upang protektahan din ang publiko mula sa mga hindi ligtas na agricultural products at matiyak ang integridad ng suplay ng pagkain sa bansa.
Importasyon ng galunggong
Sa kabilang banda, inaasahang darating sa ikatlong linggo ng Oktubre o sa unang linggo ng Nobyembe ang nasa 30K metrikong tonelada na galunggong.
Bilang tugon ito ng DA sa tumataas na presyo ng galunggong sa mga pamilihan.
Sa kasalukuyan ay nasa P240-P360 ang presyo ng mga galunggong.
Hakbang na rin ito ng ahensya para matiyak na may suplay ng galunggong ang bansa dahil magsisimula na ang closed fishing season sa Nobyembre 1 para sa Palawan habang sa Zamboanga ay sa Nobyembre 15.
Paraan din ito upang mapunan ang pinsalang dala ng mga nagdaang bagyo sa fishery sector.
Imported meat products sa bansa
Samantala, nagpapatuloy ang importasyon ng Pilipinas ng meat products ngayong taon.
Sa ulat ng Bureau of Animal Industry (BAI), nasa 757.3M kilograms ang inangkat ng Pilipinas sa unang pitong buwan ng taong 2024.
Kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong 2023, nasa 702.24M kilograms lang ang imported meat products.
Itinuturong sanhi nito ang African Swine Fever (ASF) outbreak ayon kay DA Sec. Arnel de Mesa.